Mahigit sa 600,000 na batang kabilang sa 5-11 age group, ang nabakunahan na laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na siya rin ang chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), hanggang nitong Pebrero 24, umaabot na sa 663,384 na batang mula lima hanggang 11-taong gulang ang nabakunahan.

Patunay lamang aniya ito na malaki ang interes ng mga magulang na mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga anak laban sa virus.

Matatandaang Pebrero 7 nang simulan ng pamahalaan ang pilot implementation ng pediatric vaccination sa National Capital Region (NCR) hanggang sapinalawak pa ito sa buong bansa noong Pebrero 14.

Sa datos ng DOH, aabot sa pitong milyong bata ang kabilang sa 5-11 age group at 1.7 milyon sa mga ito ang target na mabakunahan.