Ipinaalala ng Department of Education (DepEd) na ang school-based organization na Parents Teachers Association (PTA) ay hindi dapat na magdaos ng mga partisan political activities sa mga paaralan at dapat ring tumalima sa mga umiiral na polisiya at mga guidelines.
“Nais linawin ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa publiko ang relasyon nito sa Parent Teachers Association (PTA) bilang isang school-based na organisasyon sa pagtitiyak ng paghahatid ng education-related na mga serbisyo sa lahat ng aming mga stakeholders,” anang DepEd, sa inilabas na pahayag nitong Biyernes.
“Malinaw na nakasaad sa DepEd Order No. 54 series of 2009, ‘...bilang organisasyon na tumatakbo sa loob ng paaralan, ang PTA ay susunod sa lahat ng umiiral na patakaran at pagpapatupad ng mga alituntunin na pinalabas o pagkatapos nito ay maaaring ipalabas ng Kagawaran ng Edukasyon,” anito pa.
Anang DepEd, ang PTA ay magsisilbi bilang isang support group at isang mahalagang katuwang ngpaaralanna ang relasyon ay natutukoy sa pagtutulungan at bukas na dayalogo sa mga stakeholders upang itaguyod ang kapakanan ng mga estudyante.
Nakasaad din anila sa DepEd Order No. 54, series of 2009 na, ‘ang lahat ng aktibidad ng PTA sa loob ng paaralan o alinmang sangkot ang paaralan, mga kawani o mga estudyante ay dapat na dumaan muna sa konsultasyon at pag-apruba ng School Head.’
Itinatadhana rin ng nasabing kautusan ang ilang tiyak na ipinagbabawal na mga aktibidad para sa PTA, kabilang ang ‘pakikisangkot sa anumang partisan political activity sa loob ng paaralan.’
“Patuloy naming kinikilala at pinahahalagahan ang pakikipagtulungan ng komunidad, ng mga magulang, guro, at aming school administration sa pagtitiyak ng paghahatid ng dekalidad na pangunahing edukasyon para sa lahat ng aming mga mag-aaral,” pahayag pa ng DepEd.
Una nang pinaalalahanan ng DepEd ang mga officers, teachers, at non-teaching personnel nito na umiwas sa pakikilahok sa mga partisan political activities kaugnay ng May 9, 2022 polls upang matiyak na sila ay nakapokus sa serbisyo publiko.