Tatawagin nang Tañada-Diokno College of Law ang De La Salle University College of Law, bilang pagkilala sa mga Lasalyong sina Lorenzo "Ka Tanny" Tañada at Jose "Ka Pepe" Diokno.
Ibinahagi ng DLSU sa isang Facebook post na ang pagpapalit ng pangalan ay ginanap ngayong Sabado, Pebrero 26, bilang pagdiriwang sa ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Pepe, bukod sa paglulunsad ng aklat na Jose W. Diokno/Pamana, na isinulat ng isa sa mga anak ni Ka Pepe na si Prof. Maria Socorro Diokno.
Sa pamamagitan ngTañada-Diokno College of Law, hangad ng DLSU na humubog ng mga susunod pang mga abogado.
"Through its Tañada-Diokno College of Law, De La Salle University seeks to mold future lawyers who will emulate the love of God and country of these two exemplary Lasallians," anang DLSU.
Samantala, nagpasalamat naman si Chel Diokno, anak ng yumaong si Jose Diokno, sa DLSU sa pamamagitan ng pagsagot sa tweet ng aktor na si Edu Manzano.
"How true? Tomorrow the DLSU College of Law will be renamed the De La Salle Tañada-Diokno College of Law. Great move if so," ayon sa aktor.
"Yes it's true, Edu. Sa ngalan ng pamilyang Diokno, maraming salamat sa De La Salle University, sa mga La Salle Brothers, FSC, sa DLSU Board of Trustees and to everyone who made this happen!!!" sagot naman ng senatorial aspirant sa isang tweet.
Nakibaka ang dalawang Lasalyano na sina Lorenzo Martinez Tañada, Sr. at Jose Wright Diokno laban sa diktadura at panunupil mula 1970s hanggang 1980s.
Sila rin ang nagtatag ng Free Legal Assistance group, isang pambansang organisasyon ng mga human rights lawyers sa bansa, kung saan si Ka Pepe ang namuno.
Kaugnay nito, pinalitan na rin ng DLSU College of Law ang pangalan ng kanilang Facebook page at ng kanilang website.