Naglabas ng pahayag ang Kapamilya actress na si Bianca Gonzales tungkol sa ika-36 na anibersayo ng EDSA People Power Revolution na ginugunita ngayong araw, Biyernes, Pebrero 25.
Sa isang Twitter post, sinabi niyang hindi tungkol sa kulay ang anibersayo ng EDSA Revolution kundi tungkol sa pagsama-sama ng mga Pilipino upang wakasan ang pang-aabuso.
"Hindi tungkol sa dilaw, pula o anumang kulay. Kundi tungkol sa pagsasama-sama ng mga Pilipino para wakasan ang diktaturya at pang-aabuso," anang aktres.
Sinabi rin ni Gonzales na huwag kalimutan ang kalayaang ipinaglaban.
"Wag nating kalimutan ang kalayaang ipinaglaban ng mga nauna sa atin, matuto tayo sa pagkakamali ng nakaraan," aniya pa.
May kalakip din itong mga hashtag na #NeverAgain #NeverForget at #EDSA36.
Ginugunita ngayong araw, ang EDSA People Power Revolution o kilala bilang “Bloodless Revolution” kung saan milyun-milyong Pilipino ang matapang na nagtipon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at nagsagawa ng protesta na kalauna’y nagtapos sa 21-taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.