Tutol si Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na magtanggal na ng face masks ang mga mamamayan ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19, maliban na lamang kung mismong ang mga health authorities na ang magrekomenda nito.

Sa isang panayam sa sidelines ng kanyang campaign sorties sa Cainta, Rizal, nitong Miyerkules, sinabi ni Moreno na susunod lamang siya sa mga fact-based decisions na mula sa health experts at specialists, lalo na sa Department of Health (DOH).

“Kapag sinabi ng mga siyentipiko na alisin na ang facemask, ng DOH or doctors na pwede na, makikinig ako,” ayon sa alkalde.

Sinabi rin ni Moreno na bumoto siya pabor sa de-escalation ng Metro Manila sa Alert Level 1 at ipinabatid ang kanyang paninindigan dito sa Metro Manila Council, bago pa man siya nagtungo sa Mindanao upang mangampanya.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Ipinaliwanag naman ni Moreno na ang pagpabor niya sa pagpapababa ng alerto ay bunsod ng pagnanais niyang matuto na ang mga mamamayan na mamuhay sa ilalim ng ‘new normal.’

“Gusto ko na maramdaman ng mga tao napapunta tayo sa new normal.. makapamuhay nang normal, makahanap ng trabaho dahil nawalan sila ng trabaho, at makapag-negosyong muli ang mga negosyante,” dagdag pa niya.

Nais rin umano niya na makabalik na sa regular na klase ang mga estudyante dahil marami na sa mga estudyante at ilang indibidwal ang dumaranas ng mental health issues dahil sa pandemya.

Kailangan na rin aniyang makapagbukas na ng ekonomiya ang bansa upang magkaroon ng trabaho ang mga mamamayan at matulungan ang mga ito na makabangon at magkaroong muli ng disenteng pamumuhay.

Tiniyak rin naman ni Moreno na handa na ang Maynila sakaling tuluyan na ngang maisailalim sa pinakamaluwag na alerto ang rehiyon.

“In the case of Manila, kami po ay handa.Nandiyan ang aming mga kumpletong pasilidad, salamat kay Doc Willie (Ong) at ‘yung mga in-advise niyang mga gamot laban sa COVID ay tangan-tangan na ng Manila City government, mataas and aming oxygen reserve at ang aming mga doctor ay malusog,” anang alkalde.

Ang rekomendasyon ng mga alkalde sa Metro Manila na mapababa ang Alert Level ng rehiyon sa 1 ay nakasaad sa isang resolusyon na isinumite sa Inter-Agency Task Force (IATF) at nakatakda nang talakayin ng task force ngayong Huwebes ng hapon.