Kung pagbabasehan ay ang mga kasalukuyang panukatan, naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na ‘hinog’ na ang National Capital Region (NCR) upang isailalimsa Alert Level 1 sa COVID-19, napinakamaluwag sa umiiral na bagong alert level system.
Ayon kay Duque, nakatakdang pag-usapan ng Inter Agency Task Force (IATF) ngayong Huwebes ng hapon kung maaari nang ibaba sa Alert Level 1 ang NCR at iba pang lugar sa bansa pagsapit ng Marso.
“Kung ako ay tatanungin, hindi naman nangangahulugan na ‘yung sasabihin ko ay ‘yan ang position ng collective IATF, sila naman ang NCR ay pasado na sa kanilang mga metrics. Hinog, in other words,” pahayag pa ni Duque.
Iniulat pa ni Duque na nasa 83% na ng mga senior citizens sa NCR ang bakunado na laban sa virus.
Mahigit 100% na rin aniya ng target population sa rehiyon ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
“‘Yan ang kanilang estado which means that to me it’s genuinely ripe for deescalation,” dagdag pa ng kalihim.
Una nang nagkasundo at inirekomenda ng Metro Manila Council sa IATF na maibaba na ang NCR sa Alert Level 1 simula sa Marso 1.
Ipinaliwanag na rin naman ng OCTA Research Group nitong Huwebes na handa na ang capital region na mailagay sa pinakamababang alerto.
Ang NCR at ilan pang lugar sa bansa ay kasalukuyan pang nasa Alert Level 2 hanggang sa Pebrero 28.