Inanunsyo ni Health Secretary Francisco Duque III na nakatakdang isagawa ng gobyerno ang ikaapat na bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” national vaccination drive sa Marso.

Sa Laging Handa press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Duque na bibigyang prayoridad ng pamahalaan sa naturang pagbabakuna ang mga menor de edad at mga senior citizen na itinuturing na kabilang sa vulnerable groups sa COVID-19.

“Itong Marso, itong susunod na buwan, makasisigurado po kayo na magpapadala tayo ng National Vaccination Day 4. ‘Yung ating mga senior citizens, uunahin natin sila at ang ating pediatric age group na 5 to 17,” ayon pa kay Duque.

Sinabi pa ni Duque na higit pa nilang sisikapin na makapagbakuna ng primary series o dalawang unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 para sa mga di bakunado, gayundin ng booster doses, para naman sa mga nakakumpleto na ng tatlo hanggang anim na buwang requirement.

Matatandaang ang Bayanihan, Bakunahan III ay idinaos ng pamahalaan mula Pebrero 10-18.

Bagamat bigo ang pamahalaan na maabot ang target na limang milyong vaccine recipients, ikinatutuwa pa rin ng pamahalaan na may 3.5 milyong indibidwal ang naturukan ng bakuna sa nasabing aktibidad.

Puntirya ng pamahalaan na makapag-fully vaccinate ng may 77 milyong Pinoy laban sa COVID-19 bago matapos ang buwan ng Marso at 90 milyon naman bago tuluyang bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.