Pinayuhan ang mga residente sa Metro Manila na simulan na ang pagtitipid ng tubig kasunod ng binabantayang maaaring pagbaba ng water level sa Angat Dam hanggang 180 meters, ang minimum operating level nito, sa Abril.
Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng 98 percent na pangangailangang domestic water sa rehiyon.
“May posibilidad na ma-reach natin yung 180-meter low-water level as early as April. Kasi po ang expected natin sa March 31, 2022 eh magiging 183.29 meters po ang ating water level sa Angat provided na ang forecast basin rainfall natin ay nasa 81.8 millimeters at ang dam allocation natin ay 63 cms [cubic meters per second],” ani weather specialist Sonia Serrano ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydro-Meteorology Division.
“Kapag na-reach natin yung 180 meters, ang gagawin ng Angat Dam, magi-stop sila ng allocation sa power generation pero ang irrigation ay tuluy-tuloy pa rin,” ani Serrano sa naganap na climate outlook forum ng PAGASA nitong Miyerkules, Pebrero 23.
Sa ilalim ng protocol ng National Water Resources Board (NWRB) sa pagpapalabas ng tubig mula sa Angat Dam, pansamantalang ititigil o mababawasan ang mga pagpapalabas ng tubig para sa mga irigasyon sa Bulacan at Pampanga kapag bumaba ang antas ng dam sa ibaba ng 180-meter minimum operating level nito.
Nangangahulugan ito na mas uunahin ang domestic water needs ng Metro Manila kaysa irigasyon at power generation.
Sinabi ni Serrano na ang antas ng tubig ng Angat Dam na 195.78 metro, noong Pebrero 22, ang pinakamababa sa panahong ito sa nakalipas na 11 taon. Sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis na ang mga regular meeting ng technical working group (TWG) ay isinasagawa upang mapanatili ang pamamahala ng tubig sa Angat Dam.
Ang TWG ay binubuo ng NWRB, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Irrigation Administration, National Power Corporation, at PAGASA.
Umapela sina Solis at Serrano sa publiko na "magtipid ng tubig hangga't maaari" sa gitna ng kawalan ng sapat na pag-ulan sa Angat watershed sa Bulacan at nalalapit na tagtuyot sa bansa.
Ellalyn De Vera Ruiz