Dumaan ang team ni presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao sa Balintawak Market at Farmer's Market sa Quezon City ngayong Pebrero 23, 2022, at kumasa siya sa '₱5K challenge' kung saan kailangan niyang mamili ng mga iba't ibang mga produkto sa loob ng malaking pamilihan.
Batay sa listahan, nakabili si Pacquaio ng bigas (15 kilo), karne ng baboy at manok, itlog, isda (daing, tuyo, tinapa, galunggong), de lata (sardinas at corned beef), noodles (pancit canton), toyo at suka, ketchup, mantika, mga pampalasa gaya ng sibuyas, bawang, luya, at kamatis, asukal, gatas, kape (3 in 1), at mga gulay gaya ng talong, repolyo, kangkong, okra, pechay, ampalaya, udong, upo, at sayote, at marami pang iba. Nakasingit din ng mga prutas gaya ng saging, mangga, at papaya.
Ginawa ni Pacquiao ang challenge na ito upang malaman kung ano na ba ang galawan ngayon sa mga palengke at kung kumusta na ba ang presyo ng mga pangunahing produkto na karaniwang tinatangkilik ng mga consumer.
Batay sa ginawang challenge ng senador, halos ubos ang ₱5K sa isang araw na pamimili ng mga pangunahing pangangailangan sa isang tahanan, sa pagkain pa lamang.
Narito naman ang reaksyon at komento ng mga netizen.
"Dapat ₱500 para challenge talaga. Ang easy lang kaya ng ₱5000."
"Noong isang araw, ₱2k naubos ko pinamalengke sa Balintawak Market, 4 na araw lang sa amin, wala pang bigas at grocery doon. Sobrang taas ng presyo ng mga bilihin."
"Kung may ₱5K, marami ka naman talaga mabibili, pero sa isang ordinaryong Pilipino, bihira ang makakaabot sa ganyang halaga."
"Ang laki ng budget na ₱5K, pang middle class. Try nila sana minimum wage, magkano mabibili sa palengke."
"Doon tayo sa makatotohanan. Dapat halagang ₱300 tapos need pakainin ang 5 miyembro ng pamilya ng almusal, tanghalian at hapunan. Kasama na bigas sa ₱300 ha."
Matapos ang pamimili, batay sa listahan na ibinahagi ng Manny Pacquiao Team ay nakagastos siya ng ₱4,998 kaya may ₱2 pa siyang tira o naitabi.