Nilinaw ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni showbiz columnist Cristy Fermin, na pinag-uusapan na nila ng kaniyang kliyente ang planong pagsasampa ng reklamo laban sa abogado ni Dawn Chang na si Atty. Rafael Vicente Calinisan, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP.
Ayon umano kay Atty. Topacio na bumalik sa Davao noong Pebrero 21, pagbalik niya raw ng Maynila ay pag-uusapan na nila ng kliyente ang kasong isasampa laban kay Atty. Calinisan, kaugnay ng naging pahayag nito laban kay Cristy, matapos maglabas ng demand letter na nag-aatas ng public apology para sa kliyente nitong si Dawn Chang, hanggang hatinggabi ng Pebrero 16, 2022.
Pagdidiin ng legal counsel ng showbiz columnist, labas umano sa isyu ni Dawn Chang at ang sakop lamang daw nito ay ang mga pahayag ni Atty. Calinisan. Lumagpas daw ang Pebrero 16 na walang paghingi ng dispensa sa panig ng abogado, ayon umano kay Atty. Topacio nang makausap ito ng taga-PEP noong Pebrero 19, sa pamamagitan ng tawag sa telepono.
“Hiwalay naman ito kung ano yung ipa-file ni Dawn Chang. Ang task naman namin dito ay si Atty. Calinisan, for issuing that public statement na tingin namin ay labag sa batas at labag sa kanyang code of conduct bilang isang abogado. Iba naman po 'yun," sagot umano ni Atty. Topacio.
Hindi naman binanggit kung anong kaso ang isasampa nila. Nakadepende raw ito sa magiging pahayag ng saksi. Ngunit sinabi umano ni Atty. Topacio na ang misconduct sa isang abogado ay administrative case para sa disbarment.
“Puwede ka naman mag-statement na abogado. Ako… I make public statement all the time pero hindi personal,” giit pa ni Atty. Topacio.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Atty. Calinisan o maging si Dawn Chang hinggil sa isyung ito.