Bahagyang tumaas ang mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 ng Department of Health (DOH) sa bansa nitong Miyerkules, bagamat nasa mahigit 1,000 kaso lamang din ito.

Sa inilabas na datos ng DOH, nasa 1,534 ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala nitong Pebrero 23, o bahagyang mas mataas sa 1,019 kaso lamang noong Martes, Pebrero 22.

Ito na ang ikalimang sunod na araw na mahigit sa 1,000 lamang ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala ng DOH ngayong taong ito.

Dahil naman sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 3,655,709 ang total COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang bilang, 1.5% na lamang o 55,449 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa sakit.

Sa mga aktibong kaso naman, 50,258 ang mild cases, 2,811 ang moderate cases, 1,426 ang severe cases, 652 ang asymptomatic at 302 ang critical cases.

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 2,729 mga pasyenteng gumaling na sa sakit.

Sa ngayon, naitala na ng bansa ang kabuuang 3,544,283 total COVID-19 recoveries o 97.0% ng total cases.

Naiulat din ng ahensya ang 201 pang pasyente na namatay sa sakit kaya mayroon ng 55,977 ang total COVID-19 deaths na 1.53% ng kabuuang kaso.