Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Martes, Pebrero 22, ng ‘all-time low’ na mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong taon.

Batay sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na umaabot na lamang sa 1,019 ang mga bagong kaso ng sakit na naitala nila sa Pilipinas.

Ito na ang pinakamababang numero ng new daily COVID-19 cases na naitala ngayong taon matapos na magsimula nang humupa ang pananalasa ng Omicron variant ng virus.

Dahil naman sa naturang bagong mga kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 3,654,284 ang total COVID-19 cases sa bansa.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Sa naturang kabuuang bilang naman, 1.6% na lamang o 56,668 ang aktibong kaso pa o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso naman, 51,395 ang mild cases lamang, 2,840 ang moderate cases, 1,425 ang severe, 704 ang asymptomatic at 304 ang kritikal.

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 2,988 mga pasyenteng gumaling na sa karamdaman kaya’t sa ngayon, ang total COVID-19 recoveries sa bansa ay nasa 3,541,840 na o 96.9% ng total cases.

Nasa 13 lamang naman ang mga pasyente na iniulat ng DOH na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Ang Pilipinas ay mayroon na ngayong 55,776 total COVID-19 deaths na 1.53% ng total cases.

Sa kabila naman nang patuloy na paghusay ng COVID-19 situation sa bansa, patuloy pa rin ang mahigpit na paalala ng DOH sa mga mamamayan na huwag maging kampante, magpaturok na ng bakuna at patuloy na tumalima sa umiiral na minimum public health standards laban sa COVID-19.