Muling iginiit ni Pangulong Duterte ang kanyang babala sa publiko na iwasang bumili ng mga gamot sa sari-sari stores dahil sa halip na gumaling ay maaaring lumala pa ang kanilang mga karamdaman.

Sa kanyang late-night "Talk to the People" address noong Lunes, Peb. 21, pinaalalahanan ni Duterte ang publiko na bumili lamang ng mga gamot sa mga botika na pinahihintulutan ng Food and Drug Administration (FDA).

“Huwag kayong bumili ng mga medical whatever… Ang mabili ninyo minsan diyan ay yung itinatapon na doon sa botika kasi expired na tapos nasalo yan sa sari-sari store,” babala ng Pangulo.

“Kapag diyan ka bumili sa sakit ng ulo mo, pag-inom mo niyan ang sakit mo ulo, pati tiyan na, pati bulsa kasi pagdating ng panahon sa ospital another reseta ‘yan.. Iyan ang mangyari diyan,” dagdag niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa briefing, pinuri ni Duterte si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa pagpapalabas ng memorandum circular na naglalayong pigilan ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari store.

Binigyang-diin din ng Pangulo na dapat na bantayan ng mga lokal na opisyal ang sitwasyon at paalalahanan ang kanilang mga nasasakupan na huwag bumili ng mga gamot sa mga tindahang ito.

“The best way really is to give a warning, a serious warning, to our constituents, especially from the barangay captains, mayors, na ‘wag kayong bumili diyan (don’t buy there). For all you know matagal na ‘yan, expired na,” ani Duterte.

“Tinatapon na nga ‘yan eh. They are disposed responsibly, of course, but just a warning na ‘yung makakuha kayo ng expired, iyan ang problema. Do not be too hardheaded at para walang sakit ng ulo,” dagdag ng Pangulo.

Nauna nang hinimok ng DILG chief ang mga local government units (LGUs) na magpasa ng ordinansang nagbabawal sa pagbebenta ng mga gamot sa mga community store matapos na iulat ng FDA na 78 na tindahan sa tatlong rehiyon ang natagpuang ilegal na nagbebenta ng mga gamot.

Sa bilang na ito, sinabi ni FDA Deputy General Oscar Gutierrez na siyam na tindahan ang nagtitinda ng mga pekeng gamot kabilang ang mga gamot sa COVID-19.

Sa ilalim ng pekeng batas, binanggit ni Gutierrez na ang mga sari-sari store ay ipinagbabawal na magbenta ng mga gamot na may parusa na hindi bababa sa anim na buwan at isang araw sa kulungan.

Alexandria Denisse San Juan