Isang social networking application para sa mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo ang inilunsad ng isang grupo upang bumuo ng komunidad para sa mga volunteer at gawing sentralisado ang kampanya gayundin ang pagsugpo laban sa fake news na ipinupukol sa presidential aspirant.
Ang Leni App 2022: Advocate for BETTER Government ay maaari nang ma-download sa iba’t ibang application store online. Sa size nitong 32 megabyte, tampok dito ang ilang features kabilang na ang Kakampink Story, hanay ng aktibidad kaugnay ng kampanya ni Robredo at iba pang anunsyo.
Sa pamamagitan ng application, maaari ring makapagbasa ng ilang debunkers laban sa pekeng balita kaugnay kay Robredo at sa tandem nitong si Vice Presidential candidate Senator Kiko Pangilan.
Gayundin, maaaring makiisa sa ilang events, mag-download ng ilang campaign paraphernalia at makipag-ugnayan sa kapwa Kakampink sa tulong ng online application.
Matapos ang ilang update, pangalan at mobile number na lang ang hinihingi upang makapag-register sa Leni 2022 App. Pareho rin itong live sa Android at iOs devices.
Ang nasabing application ay naisakatuparan sa pangunguna ng KN Movement for Good Governance and Ethical Leadership.