Inendorso ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang kandidatura ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang running mate vice presidential bet Inday Sara Duterte para sa darating na 2022 national elections.

Sinabi ng tagapagsalita ng TUCP na si Alan Tanjusay na nagkaroon ng napakalaking tugon mula sa kanilang 1.2 milyong miyembro na suportahan ang UniTeam Marcos-Duterte tandem nang magdaos sila kamakailan ng mga pulong ng konsultasyon sa mga miyembro ng TUCP sa buong bansa.

"The vote advantage of Mr. Marcos and Ms. Duterte-Carpio and with those four other pair of presidential and vice presidential aspirants was very wide. It was an overwhelming majority decision in all caucuses held differently in Luzon, Visayas and Mindanao," ani Tanjusay sa isang news release.

Giit pa ni Tanjusay na mas matimbang para sa kanila sina Bongbong at Sara kaysa sa iba pang tumatakbo tulad ng Robredo-Pangilinan, Moreno-Ong, Lacson-Sotto, at ang Pacquiao-Atienza tandems.

Samantala, idinagdag ni TUCP president Raymond Mendoza na ang kanilang grupo ay gagawa ng pormal na anunsyo anumang oras ngayong linggo.

Itinatag noong 1975 ng 23 labor federations, ang TUCP ay kasalukuyang pinakamalaking alyansa ng mga labor federations sa Pilipinas.

Karamihan sa mga miyembro nito ay nagmula sa mga pangunahing industriya tulad ng serbisyo, agrikultura, at pagmamanupaktura mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.