Inalala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang late-night public address nitong Lunes, Pebrero 21, ang kanyang karanasan noong tinulian siya-- inilarawan niya itong "traumatic."
"Ako, ma-remember ko, ang una kong bakuna tapos yung pag-tuli ko, those were [my] traumatic experiences,” ani Duterte sa kanyang "Talk to the People" na programa.
Naalala ng Pangulo na sumailalim siya sa proseso ng tuli noong nasa ikatlong baitang siya. Hindi umano ito planado at walang pahintulot ng kanyang mga magulang.
“Grade 3 lang ako noon, sumali lang ako sa linya. Sinabi sa akin na ‘huwag kasi magagalit ang tatay pati ang nanay mo’," ayon sa Pangulo.
“Kinabukasan nakita na yung dugo sa banig ko. Doon na nagwala ang nanay ko. Pero yung trauma ko doon, yung sa paghampas," dagdag pa niya.
Naikwento ni Duterte ang kanyang karanasan matapos niyang bigyang-diin ang kahalagahan ng partisipasyon ng komunidad sa pagbabakuna sa mga bata upang maaliw, mawala ang takot, at walang traumatic experience.
“The cooperation of the community in making the environment or the moment memorable to the child,” pagbibigay diin ng Pangulo.
“Naaaliw sila, nawawala ang takot, at wala masyadong traumatic experience," dagdag pa niya.
Sinabi ni vaccine czar and chief implementer of the National Task Force (NTF) Against COVID-19 Secretary Carlito Galvez Jr. na matagumpay na nailunsad ng gobyerno ang pediatric vaccination program para sa mga batang may edad 5 hanggang 11 sa iba't ibang rehiyon sa bansa.
Ayon kay Galvez, nasa 437,939 na bata ang nabakunahan na ng first dose ng COVID-19 vaccine sa loob ng dalawang linggo.Alexandria San Juan