BRAZIL - Umabot na sa 152 ang naiulat na nasawi, kabilang ang 28 na bata, sa pananalasa ng bagyo sa Petropolis City.
Sa ulat ng mga awtoridad sa naturang bansa, karamihan sa mga residenteng namatay ay tinangay ng flash flood at natabunan ng gumuhong lupa simula nitong nakaraang Martes.
Paglalahad naman ni President Jair Bolsonaro nitong Biyernes, ang nasaksihan aniya sa kanilang lugar ay katulad ng nasa "giyera" dahil 165 pa rin ang naiulat na nawawala na pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong gusali.
Dahil dito, tumulong na rin ang mga residente sa paghuhukay sa mga guho sa pag-asang mailigtas pa ang mga kaanak.
Nitong Linggo, nagpaabot na ng pakikiramay si Pope Francis nang pangunahan nito ang pag-aalay ng dasal sa Saint Peter's Square sa Vatican.
"I express my closeness to those people hit in previous days by natural calamities. Lord, welcome the dead in peace, comfort the family members and support those who offer aid," pagdidiin pa nito.
Agence France-Presse