Bumaba na sa 10% na lamang ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine hesitancy ng mga Pinoy.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, mula sa dating 30% vaccine hesitancy noong nakaraang taon ay nasa 10% na lamang ito sa ngayon.
“At the start talaga, since last year, meron talagang hesitancy ‘yan na mga 30%, although bumaba na ngayon, nasa 10% na lang,” pahayag pa ni Vega nitong Linggo.
Tiniyak naman ni Vega na patuloy na humahanap ng mga pamamaraan ang pamahalaan upang mahikayat ang naturang 10% ng mga mamamayan na magpaturok na ng bakuna upang maproteksiyunan sila laban sa COVID-19.
Nitong Sabado, una nang kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bigo ang pamahalaan na maabot ang limang milyong vaccination target sa ikatlong bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” program na idinaos mula Pebrero 10 hanggang 18.
Ikinatuwa pa rin naman ng DOH na nakapagbakuna sila ng may 3.5 milyongsa pagtatapos ng naturang national vaccination drive.
Nilinaw pa nito na isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi naabot ng pamahalaan ang naturang target ay dahil mabagal pa rin ang pagbabakuna sa ilang lugar sa Mindanao na naapektuhan ng bagyong Odette.
Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy pa rin ang bakunahan sa bansa upang tangkaing mabakunahan ang may 77 milyong Pinoy sa pagtatapos ng Marso.
Mary Ann Santiago