Magandang balita dahil maaari na ring magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga train commuters sa ilang piling train stations ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Nabatid na ilulunsad na ng Light Rail Transit Authority (LRTA), katuwang ang city governments ng Maynila at Antipolo, ang vaccination drives sa Recto Station sa Maynila at Antipolo Station sa Rizal, ngayong linggong ito.

Una nang inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na plano nilang gamitin ang mga railway stations bilang vaccination sites, upang mapaigting pa ang government vaccination campaign laban sa COVID-19.

“Through the indispensable assistance of the City Governments of Manila and Antipolo, we are making COVID- 19 vaccines easily available, accessible and convenient to the riding public," ayon kay LRTA Administrator Jeremy Regino, sa isang pahayag.

National

LPA sa loob ng PAR naging bagyo na, pinangalanang ‘Nika’

Sinabi ni Regino na maaaring sumakay ng tren ang mga commuters at magpabakuna ng kanilang first dose at booster shots sa Recto station tuwing Martes at Huwebes, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Samantala, available naman ang bakunahan sa Antipolo station tuwing Miyerkules at Biyernes, mula alas- 8:30 ng umaga hanggang alas- 4:00 ng hapon.

Ang lahat ng eligible individuals na nais na magpabakuna sa Recto Station vaccination site ay kailangan lamang na magrehistro sa manilacovid19vaccine.ph habang ang mga magpapabakuna naman sa Antipolo Station ay kailangang magparehistro sa antipolobantaycovid.appcase.net.

Photo courtesy: LRT-2/FB

“We encourage our commuters and their family members to get booster jabs for added protection as well as those who have no vaccines yet to avail of our vaccination drive,” dagdag pa ni Regino.

Tiniyak rin niya na ang mga vaccination sites sa Recto at Antipolo stations ay alinsunod at tumatalima sa mga polisiya, protocols at rekisitos na itinatakda ng Department of Health (DOH).

“We thank Mayor Isko Moreno of Manila and Mayor AndreaYnares ofAntipolo, as well as their respective City Health Offices, for their immediate and full support to our request for assistance,” ayon pa kay Regino.

Samantala, tiniyak rin ni Regino na ang kanilang mga empleyado, kabilang na ang kanilang maintenance, security at utility personnel, ay nakatanggap na rin ng booster shots laban sa COVID-19, sa tulong ng Philippine Red Cross Bakuna Bus na nagbakuna sa LRT- 2 Depot noong Pebrero 12, 2022 at ng Manila City government na nagbakuna naman sa Recto station noong Pebrero 15 at 17.

Mary Ann Santiago