Hinimok ng aspiring vice president na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan mga magulang na magtiwala sa mga eksperto at pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“Huwag magpapaniwala sa haka-haka, sa siyensa tayo magtiwala,” ani Pangilinan nitong Linggo, Pebrero 20 at pinabulaanan ang mga pekeng balita na hindi ligtas ang pagpapabakuna ng mga batang edad 10 pababa.

Sinabi ng senador sa mga magulang na huwag umasa sa disinformation ukol sa mga bakuna dahil kinumpirma na ng siyensya na ligtas para sa mga bata na maturukan ng bakuna..

“Base sa mga eksperto, safe naman ang bakuna para sa mga bata edad lima hanggang labing-isa. Ang kapatid ko ay doctor at siyempre makikinig ako sa sasabihin niya. Hindi naman tayo ipapahamak ng ating mga doctor,” dagdag niya.

Ang pananaw ni Pangilinan ay naaayon sa opinyon ng Pediatric Society at ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na nagsasabing walang dapat ikabahala ang mga magulang na Pilipino dahil sa pangkalahatan ay ligtas ang mga bakuna.

Binanggit ng mga organisasyong ito ang isang pag-aaral na kinomisyon ng New England Journal of Medicine na nagpakita na ang mga bakuna ay epektibo sa mga bata, na pumipigil sa 90.9 porsyento ng mga sintomas ng COVID-19 cases.

Sinimulan na ng Department of Health (DOH) ang kanilang kampanya sa pagbabakuna para sa mga bata noong Pebrero 7.

Betheena Unite