Marami ang 'abangers' kung maglalabas ba ng public apology sa isa't isa ang kampo nina Cristy Fermin at Dawn Chang bago at mismong araw ng Pebrero 16, subalit walang nag-isyu sa kanilang dalawa, o walang pagbawi sa mga nauna nilang pahayag laban sa isa't isa.

Kaya tanong ngayon ng mga netizen, ano na ang susunod na mga 'ganap' gayong pareho silang nagbanta na kung hindi susunod ang bawat kampo sa ibinigay na ultimatum na nakasaad sa kani-kanilang mga demand letter, ay gagawa na sila ng susunod na legal na hakbangin tungkol dito.

Ngunit mukhang hindi pagigiba si Cristy dahil ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, naghahanda na ang legal counsel ng showbiz columnist na si Atty. Ferdinand Topacio. May isasampa umano silang reklamo laban sa abogado ni Dawn Chang na si Atty. Rafael Vicente Calinisan.

“We’re now laying the groundwork for filing next week,” pahayag umano ni Atty. Topacio noong Biyernes ng umaga, Pebrero 18, sa text message na ipinadala nito sa PEP.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Nag-ugat ang isyung ito nang magbitiw ng mga pahayag ng pagkadismaya si Dawn Chang sa ginawang pag-host at pagsuporta ni dating Pinoy Big Brother (PBB) main host Toni Gonzaga sa UniTeam na pinamumunuan nina presidential candidate Bongbong Marcos at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang showbiz columnist at nagbitiw ng mga pahayag na "Itong si Dawn Chang, ayan nagkakaroon ng mga trabaho ’yan, alam na alam sa ABS. Naku Dawn Chang, gusto mong ibulgar ko kung ba't ka nagkakaroon ng trabaho? Eh, pa-bash-bash ka pa. Ikaw ang dapat i-bash dahil wala kang mararating kung hindi ka nakikipaglandian sa mga boss."

Pagkatapos nito ay lumabas na ang demand letter mula sa legal counsel ni Dawn laban kay Cristy. Bago umano sumapit ang hatinggabi ng Pebrero 16, kailangan umanong maglabas ng full-page public apology ang showbiz columnist na mailalathala sa mga national broadsheets gayundin sa radio program nito, kung hindi ay sasampahan umano nila ng libel case ito. May pahayag pa rito na ipakukulong umano nila si Cristy.

Bagay na pinalagan naman ng kampo ni Cristy. Bakit daw kaagad-agad na dadalhin na kaagad siya sa kulungan ngayong hindi pa umano umaandar o naisasampa man lamang sa korte ang kanilang reklamo? Sa halip, sila ang nagbantang magdedemanda kung hindi umano hihingi ng public apology ang legal counsel ni Dawn dahil sa mga salitang 'duwag' at 'sinungaling' ang beteranang showbiz media personality.

Samantala, wala pa ring reaksyon o opisyal na pahayag ang kampo ni Dawn tungkol dito.