Isang senior citizen ang patay nang masagasaan ng isang nakaparadang van, na aksidenteng nabangga ng isa pang van na ipinaparada naman ng driver nito sa Tondo, Manila nitong Linggo ng madaling araw, Pebrero 20.

Ang biktimang si Vicente Amion, 61, driver ng kuliglig, at residente ng Bagong Silang, Caloocan City, ay naisugod pa ng kanyang kapatid na si Rene sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek na si Ronaldo Paclita, 30, company driver at residente ng Bilbao St., Tondo, Manila.

Batay sa ulat ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), dakong alas-12:23 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Bilboa St., kanto ng P. Herrera St., sa Tondo.

Base sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikitang bago ang aksidente ay ipinaparada ng suspek ang minamanehong puting Mitsubishi L200 van na may plakang NBU 5539 sa P. Herrera St..

Gayunman, nawalan ang driver ng kontrol sa sasakyan at aksidenteng nabangga ang harapang bahagi ng isang puting Mitsubishi L300 van, na may plakang WAO 910 at pagma-may-ari ni Annalisa Aklan, 46, residente rin ng Bilbao St., na noon ay nakaparada rin sa lugar.

Dahil dito, biglang umusad ang nakaparadang van at nasagasaan ang biktima na nagkataong nasa likod pala nito.

Nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan ang biktima at kaagad namang naisugod ng kanyang kapatid sa pagamutan ngunit namatay rin.

Ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property sa piskalya.

Mary Ann Santiago