Nangako si Gen. Dionardo Carlos, hepe ng Philippine National Police (PNP), nitong Sabado, Pebrero 19, na parurusahan ang mga pulis na mapatutunayang lumalabag sa mga patakaran at regulasyon ng pulisya at Commission on Elections (Comelec) sa pagsasagawa ng Oplan Baklas, o ang pagtatanggal ng malalaking tarpaulin at iba pang campaign materials na nakalagay din sa mga ipinagbabawal na lugar.

Ngunit pansamantala, sinabi ni Carlos na kailangan nilang hintayin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan ng mga reklamo na kabilang ang mga pulis sa mga nagtanggal ng mga tarpaulin maging sa loob ng mga pribadong ari-arian.

“We want to see the whole picture of these incidents. If there are violations, then we put sanctions,” ani Carlos.

Bukod sa Comelec, inulan muli ng batikos ang PNP sa social media matapos akusahan ng ilang pulis na nagtanggal ng mga tarpaulin.

Ang mga larawan at video ng mga pulis na nag-aalis ng mga tarpaulin ng mga pambansang kandidato ay ipinost sa social media at naging viral.

Nauna nang sinabi ng PNP na sinimulan na ang imbestigasyon. Pinaalalahanan din nito ang mga kapulisan na mahigpit na limitahan ang kanilang pakikisangkot sa pagbibigay ng seguridad sa mga tauhan ng Comelec na nagsasagawa ng Oplan Baklas.

Aaron Recuenco