Binalikan ng aktres na si Cherry Pie Picache ang pagpapatawad niya sa pumaslang sa kanyang ina sa isang campaign video para kay presidential aspirant at Vice President Leni Robredo, na aniya’y kagaya niyang nagpamalas din ng katapangan sa mga nagdaang taon.

Inalala ni Cherry Pie ang pinakamasakit na kwentong hinarap niya noong paslangin ang kanyang ina sa isang tangkang pagnanakaw taong 2014.

“Dahil dun, natuto ako. Natuto ako na tatagan ang puso ko. Natuto ako na maging matapang,” paglalahad ng aktres sa napulot na katatagan matapos ang nangyaring trahedya.

Matatandaang noong 2019, hinarap ni Cherry Pie ang pumaslang sa kanyang ina at noon din ay pinatawad ito. Dito inihalintulad niya ang kanyang karanasan sa naging mga dinanas ni Robredo sa nakalipas na limang taon bilang bise-presidente.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“Meron nga akong kilala. Limang taon siniraan, binastos, winalanghiya pero araw-araw pinili niya pa rin na gawin ang tama. Manindigan. Yung mag-alaga nang may pagkalinga at buong katapatan,” sabi ng aktres.

Aniya, “May mas matapang sa akin. Si Leni Robredo yun.”

“Katapangan yung piliin ang paninindigan. Iyong pagsilbihan ang mga tao kahit sinaktan ka. Yung ipaglaban ang katotohanan kahit na alam mong mas makapangyarihan sa’yo ang babanggain mo,” patuloy na saad ng aktres.

“Kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan. At hindi madali yun. Pero biyaya yun, para maisabuhay mo ‘to,” ani Cherry Pie.

Kasunod na binanggit ng aktres na lahat ng mga hinarap niyang suliranin sa buhay ay nagawa niyang lampasan nang may buong katapangan at aniya'y nakikita niya ang parehong katangina kay Robredo.

“Hindi ko na maibabalik ang nanay ko. Pero sigurado akong proud siya kasi yung pinanghawakan kong katapangan hindi yung dahas o kalupitan kundi katatagan ng puso. At kung buhay pa ang mama ko, sure ako, isa lang pipiliin namin sa 2022. Yung pinakamatapang na ina at lider na kilala ko—si Leni Robredo,” ani Cherry Pie.