Malalim na hugot sa mga kaganapan sa bansa ang tema ng trending at brand new collaboration ng OPM hitmakers na si Gloc 9 at Yeng Constantino.

Sa ilalim ng Universal Records Philippines, narelease na ang official music video ng “Paliwanag,” ang pinakabagong kanta ni Gloc 9 kasama si Yeng Constantino nito.

Tampok na hugot sa lirisismo ng kanta ang politikal na kalagayan sa Pilipinas na hindi na rin bago sa mga kanta ni Gloc 9.

Tinalakay ng kanta ang kawalan ng pananagutan sa mga inhustisya sa lipunan kabilang ang pagnanakaw sa taumbayan, pagbabago lang ng mukha ng mga nang-aabuso at ang pagsasawalang-kibo ng kalakhan sa mga karapatang hindi natatamasa ng ilan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Binalikan din ng kanta ang ilang kasaysayan kabilang ang dinanas na hindi pantay na pagtrato sa mga kababaihan.

Kilala sa kanyang malalim na kanta na kadalasa'y sumasalamin sa kalagayan ng isang sektor, ang Filipino rapper ang muling sumulat ng Paliwanag na ngayo’y tumatabo na rin sa digital streams.

Gloc-9 feat. Yeng Constantino - Paliwanag (Official Music Video)

Kasalukuyang nasa ika-23 trending for music sa YouTube Philippines ang official MV ng kanta mula nang ilabas ito gabi ng Biyernes, Pebrero 18. Aabot na rin sa 150,000 views ang naturang MV.

Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni Gloc 9 na sa kanyang edad na 44 taong-gulang, hindi niya ring maikakailang nahihirapan na siyang magsulat. Gayunpaman, isang indikasyon ang Paliwanag na sa kabila ng agam-agam sa sariling kakayahan, kaya pa rin niyang bumuo ng makabuluhang mga kanta.

Ipinagdiriwang ng Filipino rapper ang kanyang ika-25 anibersaryo sa showbiz industry ngayong 2022.