Nabigo ang pamahalaan na maabot ang target na makapagbakuna ng may limang milyong indibidwal, sa idinaos na ikatlong bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ program o ‘Bakunahan III’ mula Pebrero 10 hanggang 18.
Sa Laging Handa briefing nitong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa 3.5 milyong indibidwal lamang ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng naturang programa nitong Biyernes.
Aniya, bagamat hindi nila nakamit ang target ay ikinagagalak pa rin nilang milyun-milyon pa rin ang nabigyan ng proteksyon laban sa virus.
“Bagamat hindi natin na-achieve ‘yung five million na ating target, ating ikinagagalak pa rin natin na mayroon tayong achievement na 3.5 million, nakadagdag sa antas ng pagbabakuna sa ating bansa,” ayon pa kay Vergeire.
Kabilang aniya sa mga dahilan kung bakit hindi naabot ang target ay ang pagkahati ng mga healthcare workers sa pagitan ng Bayanihan, Bakunahan III at sa pagbabakuna sa mga batang nasa 5-11 taong gulang.
Nabawasan rdin aniya ang bilang ng mga healthcare workers para sa mass vaccination drive dahil sa ibang health-related duties, habang mayroon rin sa kanilang nagkaroon ng sakit.
Iniulat din naman ni Vergeire na sa ngayon ay nasa 62.3 milyong Pinoy na ang fully-vaccinated o 69.8% ng 77 milyong target na vaccine recipients.
Mary Ann Santiago