Sa kabila ng inaasahang pag-alis sa liga ng Alaska Aces, hindi pa rin nagpaapekto ang mga manlalaro nito matapos talunin ang Terrafirma Dyip, 102-97 sa pagpapatuloy ng PBA Governors' Cup sa Smart-Araneta Coliseum nitong Sabado.
Nanguna sa mga lokal si Jeron Teng sa kanyang career-high na 30 puntos na nagpapatatag sa kartada ng Alaska na 5-2, panalo-talo.
Nasa ikatlong puwesto na ang Ace dahil nangunguna pa rin sa liga ang Magnolia sa malinis na kartadang 5-0 kasunod ang Meralco, 4-1, panalo-talo.
Tampok din sa pagkapanalo ng Alaska ang malaking ambag nina Abu Tratter, Allyn Bulanadi, at RK Ilagan.
Saludo rin si Alaska coach Jeff Cariaso sa mga bench players na nagbigay ng init sa laban matapos silang tambakan ng Dyip, 83-66 matapos ang ikatlong yugto ng laban.
“Being down 17 was really because our poor defense and us giving the confidence. I like to give credit to the guys that just came off the bench who normally don’t get a lot of minutes. Our bench really played well tonight,” banggit ni Cariaso.
Hindi naman napakinabangan ng Terrafirma ang triple-double ng import na si Antonio Hester na may 24 puntos, 14 rebounds, at 11 assists at 21 puntos ni Joshua Munzon matapos mag-collapse ang kanilang depensa sa fourth quarter.