“Nalampasan” na ng Pilipinas ang mga hamon na dala ng highly-transmissible na Omicron coronavirus variant, ngunit hindi pa dapat makampante ang publiko habang patuloy pa ring nagbabanta ang COVID-19, sinabi ng Department of Health (DOH).
“Tayo po ay naka overcome nung challenge natin with Omicron. Nakita po natin kung gaano kadami yung kasong dumating at gaano din natin mabilis na napababa ang mga kaso sa ating bansa,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang public briefing nitong Sabado, Pebrero 19.
Nitong Biyernes, Pebrero 18, sinabi ni Vergeire na ang bansa ay kasalukuyang nasa ilalim ng low-risk case classification para sa COVID-19.
“Atin na pong nalampasan ang hamon buhat ng Omicron at kasalukuyan na po tayong nasa low risk case classification…Patuloy pong bumababa ang ating average daily reported cases,” sunod na saad ng opisyal.
Sa kabila ng maayos na sitwasyong ito, muling iginiit ni Vergeire na ang pagsunod sa mga health protocol at pagbabakuna ay nananatiling mahalaga sa pagpapanatili ng mababang bilang ng mga kaso.
“Mababa ang kaso dahil nagco-comply tayo sa safety protocols at nagpapabakuna. Pero once na mag-increase ang mobility tapos nagkaroon ng complacency sa pagsunod sa minimum public health standards, maaring tumaas uli ang kaso dahil alam natin lahat na nandito pa rin po yung virus,” ani Vergeire.
“Pagtiningnan natin in terms of cases makikita natin mukhang magagawa naman natin kasi sa ngayon pitong areas nalang sa buong bansa ang binabantayan na meron pa rin na kaunting mataas na kaso. They are in moderate risk yung iba, yung iba—ospital ang binabantayan natin,” dagdag niya.
“Sa tingin namin handa na ang ating mga kababayan and with our high vaccination coverage at sana magtuloy-tuloy pang tumaas, sa tingin namin at kumpiyansa tayo, na tayo po ay makakaagapay at we can be able to prevent further infections once we de escalate to Alert Level 1,” pagpapatuloy ni Vergeire.
Kung ipapatupad ang Alert Level 1, binigyang-diin ni Vergeire ang kahalagahan ng "self-regulation" dahil aalisin na ang mga paghihigpit.
“Dito sa new normal—Alert Level 1 does not have any restrictions at all. Ang mga sektor po natin magbubukas, wala na po tayong mga capacity restrictions sa iba’t-ibang establisyimento, tayo po ay makakabalik na sa kinagawian,” dagdag ni Vergerie.
“Ngunit mare-retain po natin yung ating pag self regulate. Ibig sabihin, yung behavior ng tao kailangan mabago. Kailangan tuloy-tuloy pa rin tayong magco-comply sa minimum public health standards at kasama diyan ang pagsusuot pa rin ng mask, palagiang paghuhugas ng kamay, physical distancing if applicable sa isang sektor na pupuntahan natin, and of course, ventilation,” dagdag niya.
Analou de Vera