Hindi nakagawa ng anumang uri ng pang-aabuso sa karapatang pantao at sa gayon, hindi dapat pilitin na humingi ng tawad ang kandidato sa pagkapangulo na si Bongbong Marcos.

Ito ang sinabi ni UniTeam senatorial candidate at dating presidential spokesman na si Harry Roque nitong Sabado, Peb. 19, sa tailend ng campaign swing ng Ilocos Region kung saan makikitang nakipag-elbow gesture pa kay Marcos at sa runningmate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa isang pahayag, pinayuhan ni Roque ang mga kritiko ng presidential hopeful na si Marcos “stop barking up the wrong tree” sa kawalan ng legal na ebidensya na nagpapakita na ang anak ng yumaong pangulo na si Ferdinand Marcos ay lumabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.

“Anti-Marcos groups should not demand an apology from Bongbong Marcos because he has [neither] been charged nor found guilty of human rights violation in the Philippine or American courts,” sabi ng human rights lawyer.

Sa halip, hinimok ni Roque ang publiko na panagutin ang lahat ng mga naging pangulo matapos ang 1986 EDSA revolution sa mga paglabag sa karapatang pantao na naganap sa kani-kanilang administrasyon.

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang mga rekord ng karapatang pantao, sinabi ni Roque, matutukoy ng publiko kung aling administrasyon ang nagbigay ng sapat na domestic legal remedy at kabayaran sa mga biktima.

Ang payong ito ay resulta ng legal due diligence ni Roque sa dating senador at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na nanguna sa lahat ng presidential surveys mula noong Oktubre 2021.

Umapela din siya sa mga grupong anti-Marcos na tuluyang mag-move on pagkatapos ng 35 taon.

“It is unfair to cast aspersion on Bongbong Marcos’s character because he refuses to take responsibility for something that he did not commit during his father’s presidency,’’ aniya.

Dating miyembro ng 17th Congress, si Roque ay isa sa mga masugid na sumuporta sa batas na nagbibigay ng kabayaran sa mga biktima ng Martial Law.

Sinabi ni Roque na ang mga extrajudicial killings at iba pang anyo ng pang-aabuso ay nanatili nang walang parusa pagkatapos ng termino ni Pangulong Marcos, na tumakas sa bansa kasunod EDSA Revolution.

Ang pinakakilalang kaso ay ang Mendiola Massacre na kumitil sa buhay ng 13 magsasaka na humiling lang noon ng tunay na reporma sa lupa mula unang administrasyong Aquino.

Ellson Quismorio