Sinimulan na ng Philippine government ang repatriation ng mga manggagawang Pinoy sa Ukraine dulot na rin ng banta ng Russia na lumusob sa nasabing bansa.

Ito ang kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello sa isang television interview nitong Biyernes, Pebrero 18.

Aniya, pito na sa Pinoy workers ang inaasahang dumating sa bansa ngayong gabi (Biyernes).

Tiniyak na ni Bello na bibigyan nila ng cash o tulong pangkabuhayan ang mga OFWs pagdating nila sa Pilipinas.

Tutulungan din aniya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Czech Republic ang mga OFWs na ayaw pang umuwi at maghahanap pa ng trabaho sa ibang bansa.

"We will appeal. Like for example, we will ask our labor attaché in Czech Republic to make representation with the Czech Republic na kung may pupunta tayong mga kababayan du'n na i-accommodate sila… 'Yung Poland is under the jurisdiction ng Czech Republic, Romania kasama rin," sabi ng kalihim.

Nauna nang inihayag ng Estados Unidos na aabot sa 130,000 na sundalo ng Russia ang nakabantay sa kanilang border at anumang oras ay maaaring lumusobsa Ukraine.

Nitong Huwebes, nagkaroon ng pagsabog at palitan ng putok sa Luhansk, East Ukraine na katabi lang ng Kharkiv City.

Dahil dito, pinaratangan ngJoint Forces Operation ng Ukraine na kagagawan ito ng mga pro-Russian group.