Hindi na nakapalag sa mga awtoridad ang isang seaman na nagpanggap na pulis matapos arestuhin nang holdapin umano ang dalawang babaeng menor de edad at isa pang lalaki sa Taguig nitong Huwebes ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong robbery holdup, paglabag sa Republic Act 9516 (Illegal Possession of High Explosive) at paglabag sa Omnibus Election Code ang suspek si Jayson Espiritu Landrito, 23, taga-Brgy. Santa Ana, Palingon-Tipas, Taguig City.

Ayon kay Southern Police District director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, naaresto ang suspek sa C-6 Road, Brgy. Napindan dakong 7:00 ng umaga.

Sa imbestigasyon, nagja-jogging umano ang dalawang babaeng edad 16 at 14, kasama ang isa pang biktima na si Dave Vertucio, 21, sa C-6 Road nang bigla silang harangin ng suspek na sakay ng isang motorsiklo at nagpakilalang pulis.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Sinabi umano ng suspek na mayroon silang anti-illegal drug operation sa lugar.

Bigla umanong kinuha ng suspek ang mga cellphone ng mga biktima bago tumakas.

Kaagad namang nagsumbong ang mga biktima sa Regional Mobile Field Battalion ng Taguig Police na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.

Narekober sa suspek ang isang granada at mga cellular phone ng mga biktima.

Bella Gamotea