Sinabi ng Philippine Red Cross (PRC) nitong Biyernes, Peb. 18 na ganap na itong handa kung sakaling magkaroon ng kakulangan ng suplay ng tubig sa Kamaynilaan gaya ng inaasahan ng National Water Resources Board (NWRB).

Sa pagbanggit sa isang panayam kamakailan, sinabi ng PRC na pinayuhan ng NWRB na may mataas na tsansa na ang Metro Manila ay makararanas ng kakulangan ng suplay ng tubig sa Abril o Mayo habang patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sinabi ng PRC na binanggit ni NWRB Executive Director Sevillo D. David, Jr. na nasa 196 metro na ang lebel ng Angat Dam sa isang panayam kamakailan. Idinagdag niya na ang ideal na antas ay lampas sa 200-metro na marka.

Binanggit din niya na sinusubukan nitong maiwasang umabot sa 180 metro, na siyang pinakamababang operating level. Ngunit base sa kasalukuyang projections at rainfall forecast, maaari nilang maabot ito sa Abril o Mayo.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

“Mayroon ang Red Cross ng 22 water tankers, 31 water treatment units, at Firetrucks na handang tumulong kung magkaroon ng water shortage (Red Cross has 22 water tankers, 31 water treatment units and firetrucks that are ready to help in case of a water shortage,” sabi ni PRC Chairman and Chief Executive Officer (CEO) Sen. Richard Gordon.

“Sa kasalukuyan ay naka deploy ito sa Palawan, Visayas, at Mindanao at patuloy pa rin ang pagbibigay ng malinis na tubig sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette,” dagdag niya.

Mula nang magsimula ang mga operasyon ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021, nakapagbigay ang PRC ng mahigit 9,749,873 litro ng malinis at maiinom na tubig sa mga apektadong residente.

Kahit makalipas ang dalawang buwan matapos tumama ang Bagyong Odette sa mga rehiyon ng Palawan, Visayas, at Mindanao at naapektuhan ang daan-daang libong indibidwal, nagbigay ang PRC ng malinis at maiinom na tubig sa Lapu Lapu City noong Pebrero 17. Namahagi din ang PRC ng 12,000 litro ng tubig sa Brgy. Mactan at 12,000 liters sa Brgy. Purok.

Sa pamamagitan ng Water Sanitation and Hygiene Unit ng PRC, nagsagawa rin ang humanitarian organization ng hygiene promotion sa 390 indibidwal at 322 indibidwal ayon sa pagkakasunod-sunod sa mga nasabing barangay.

Sa pamumuno ni Gordon, sinabi ng PRC na patuloy nitong tinutulungan ang mga pinaka-bulnerableng komunidad sa Lapu-Lapu City na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Sa ngayon, ang PRC ay namahagi na ng 3,066 hot meals, 753,000 litro ng malinis na tubig, nakapaglinis ng 171 cubic yards ng mga debris sa pamamagitan ng payloader ng PRC, at nagsagawa ng hygiene promotion sa nasa 49,764 na mga indibidwal.

Dhel Nazario