Matapos ang inabot na kritisismo ng Commission on Elections (Comelec) sa kulay ng ilaw na makikita sa bukana ng Palacio del Gobernador, at umano’y ‘biased’ sa isang political camp, tiniyak ng tagapagsalita ng poll body ang publiko na agad itong papalitan.

Paglilinaw ni Comelec spokesperson James Jimenez, nirerentahan lang ng ahensya ang gusali. Gayunpaman, agad na ring pinaabot ang usapin sa Intramuros Administration, na siya ring nangangasiwa sa gusali, upang agad na mapalitan ang kulay ng ilaw.

Ang pula at berde ay kilalang kulay ng UniTeam tandem nina Presidential aspirant Bongbong Marcos at Vice Presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.

Basahin: Comelec, inakusahan ng ‘bias’ kasunod ng pa-ilaw sa bukana ng Palacio del Gobernador – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Palacio del Gobernador is not a Comelec building, nagrerenta lang po kami dito,” ani Jimenez sa midya nitong Biyernes, Pebrero 18.

"Pero [the issue] has been brought to our attention by a netizen and we felt that's something we could do right away so nakikipag-coordinate po kami sa Intramuros administration and I think they have consent to changing the lights. It's nothing," dagdag ni Jimenez.

Nitong gabi ng Huwebes, Pebrero 18, umagaw ng atensyon sa Twitter ang kulay ng ilaw sa bukana ng gusali kung saan ilang netizen ang nag-akusa ng bias sa Comelec sa isang political camp.

Nauna na ring nilinaw ni Jimenez sa isang tugon sa Twitter na: “The COMELEC is a tenant in that building, which is under the management of Office of the President. I have been told that the building’s administration is planning to swap out these ones for differently colored lights.”