Natimbog ng mga tauhan ng Barangay Security Force ang isang umano'y miyembro ng Akyat Bahay matapos looban ang isang bahay sa Taguig City nitong Pebrero 17.
Kinilala ang suspek na si Ajabber Oligario, 38, taga Maharlika, Taguig City matapos siyang positibong ituro ng biktima na si Aleya K. Ampatuan, residente rin nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa loob ng bahay ni Ampatuan sa Delvo St.,Central Bicutan, Taguig City, dakong 3:00 ng madaling araw nitong Huwebes.
Nadiskubre ng biktima ang biglang pagkawala ng kanyang mga cellphone at relo kaya kaagad siyang humingi ng tulong sa Brgy. Maharlika BSF na nagresulta ng pagkakatimbog ng papatakas na suspek.

Nabawi sa suspek ang mga ninakaw nito sa biktima at nakumpiskahan si Oligario ng 5.1 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng ₱612.

Kaugnay nito,nanawagan si Southern Police District chief, Brig. General Jimili Macaraeg sa Barangay Security Force na paigtingin pa ang pakikipagtulungan sa pulisya at palakasin ang pagiging mapagmatyag at bumuo ng puwersa ng depensa at patrol teams upang siguruhin ang kaligtasan ng kani-kanilang nasasakupang lugar.
Bella Gamotea