Usap-usapan ngayon sa social media ang umano’y “bias” ng Commission on Elections (Comelec) kasunod ng pagpapailaw nito sa bukana ng Palacio del Gobernador gamit ang kilalang mga kulay ng isang political camp.

Sa isang Twitter post noong Pebrero 17, Huwebes, isang larawan ang ibinahagi ng netizen kung saan makikita ang kulay pula at berdeng pailaw sa bukana ng Palacio del Gobernador, kung saan matatagpuan ang opisyal na tanggapan ng Comelec.

https://twitter.com/mikyelb/status/1494275448049569794

“What is the meaning of this?” tanong ng netizen kalakip ang #AnyareCOMELEC na naging trending din kasunod ng kontrobersyal na paglulunsad ng Oplan Baklas ng poll body sa ilang lungsod sa Metro Manila noong Miyerkules, Pebrero 16.

Ang orihinal na larawan ay mula pala sa isang Facebook user na kalauna’y tumabo rin ng ilang shares at reactions.

Bagaman sinundan ng Twitter user ng disclaimer na noong Disyembre 2021 pa ang naturang larawan, at bahagi ito ng pakikiisa ng ahensya noong Kapaskuhan, ilang kapwa netizens pa ang nagpakita ng resibo sa parehong thread kung saan makikitang maging nitong gabi ng Pebrero 17, bukas pa rin ang naturang pa-ilaw sa nabanggit na gusali.

Ang Palacio del Gobernador ay isang government building sa Intramuros sa Maynila, at nagsisilbing opisyal na tanggapan ng Intramuros Administration, Development Mutual Fund National Capital Region Office at Comelec.

Isa pang netizen sa Facebook ang nagbahagi naman ng selfie sa parehong bukana ng Palasyo del Gobernador kung saan makikita ang kontrobersyal na pa-ilaw.

Screengrab mula Facebook

Inalmahan ng ilang tagasuporta ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo ang naturang larawan kasunod ng caption nitong, “Alam na this! BBM SARAH ang kulay ng PALACIO DEL GOBERNADOR [emojis],” kalakip ang #Uniteam na tumutukoy sa kampo nina Presidential aspirant Bongbong Marcos at Vice Presidential Candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.

Mahigpit na ipinagbabawal at labag sa batas ang paggamit ng government resources sa kampanya ng sinumang kandidato para sa eleksyon.

Samantala, wala pang pahayag ang Comelec kaugnay ng isyu.