CAMP VICENTE LIM, Laguna - Dinakip ng pulisya ang isang bagitong pulis na sangkot umano sa sunud-sunod na holdapan sa naturang lalawigan nang holdapin na naman nito ang isang gasolinahan sa Sto. Tomas, Batangas nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Police Regional Office 4A (PRO4A) regional director Brig. Gen. Antonio Yarra ang suspek na si Patrolman Glenn Angoluan, nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Laguna Police Provincial Office.

Sa report ng pulisya, hinoldap umano ni Angoluan ang isang gasoline station sa Brgy. Santiago dakong 2:30 ng madaling araw.

Kaagad na tumakas ang suspek matapos ang panghoholdap, lulan ng isang motorsiklo na walang plaka, ayon sa imbestigasyon.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Gayunman, hindi nakalusot ang suspek nang maglatag ng checkpoint ang mga tauhan ng Pagsanjan Police sa National Highway, Brgy. San Isidro.

Nasamsam ng mga pulis ang isang pistol na may apat na magazine at 54 na bala ng Cal. 9mm, kutsilyo, cash, iba't ibang identification (ID) card, ATM cards at isang cellular phone.

Sa rekord ng pulisya, sangkot din umano si Angoluan sa panghoholdap ng mga convenience store sa Pagsanjan, Los Baños, Alaminos sa Laguna, at sa Sto. Tomas, Batangas.

Nahaharap na sa kasong kriminal at administratibo si Angoluan.

Danny Estacio