Pinaiigting ng pamahalaan ang pediatric COVID-19 vaccination sa bansa upang matiyak ang ligtas na pagbabalik sa eskwela ng mga estudyante sa Agosto 2022, sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
“We are really trying to vaccinate our children so that they will be safe also when they go to school. I think by August for this next school year, the plan would be that schools will really open,” ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na sinimulan na ng pamahalaan ang pilot implementation para sa face-to-face classes noong nakaraang taon, sa obdiyektong tuluyan nang maibalik ito sa susunod na school year.
Matatandaang Nobyembre 2021 nang simulan ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa ilang pampubliko at pribadong paaralan sa bansa, na nilahukan ng mga estudyante sa Kindergarten hanggang Grade 3 at mga senior high school students.
Nito namang unang bahagi ng Pebrero ay sinimulan na rin ng Department of Education (DepEd) ang expansion phase ng face-to-face classes, kung saan mas maraming grade levels ang pinayagang lumahok.
Tuluy-tuloy na rin naman ang pagdaraos ng pamahalaan ng pediatric vaccination sa mga batang 5 hanggang 17-years old upang maprotektahan sila laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago