Binigyang-diin ni Aksiyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na ang edukasyon ang siyang susi sa pag-angat mula sa kahirapan.

Ang pahayag ay ginawa ng alkalde nang pangunahan ang groundbreaking ng panibagong pampaaralang gusali na tugon sa hamon ng makabagong panahon. 

Pinasalamatan rin ni Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo, Congressman Edward Maceda, city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac, city architect Pepito Balmoris at division of city schools superintendent Magdalena Lim gayundin ang lahat ng city councilors sa kanilang tulong at suporta at sa pagsama sa kanya sa groundbreaking at capsule-laying activities ng soon-to-rise na Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc, Manila.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Moreno na ang ang bagong paaralan ay mag-aalok ng mas magandang pasilidad na mas naaangkop sa pag-aaral ng mga kabataan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Itatayo aniya ito bilang parangal sa dating Pangulong Ramon Magsaysay kung saan ang panahon ng panunungkulan bilang lider ng bansa ay itinuturing na  ‘golden age’ ng Pilipinas.

Si Magsaysay ay naging presidente sa edad na 46.

Sa kabila ng kanyang edad, nagawa niya ang kanyang tungkulin nang may mataas na lebel ng integridad at kahusayan. 

Sinipi ni Moreno ang butil ng karunungan ni  Magsaysay nang sabihin nito na, hindi mahalaga ang bilang ng taon sa serbisyo publiko, ang mahalaga ay kung ano ang nagawa mo sa maikling panahon bilang isang  public servant.

“Ang pagsisiyasat, dapat pruweba ang basehan, kung ano ang nagawa lalo na sa panahon ng pandemya,” sabi ng alkalde.

Pinasalamatan rin niyang muli ang mga residente ng Maynila sa pagboto sa kanya bilang mayor at sinabing ang lahat ng kanyang nasimulan ay ipagpapatuloy ni  Lacuna na tumatakbo bilang kanyang tagapagmanang alkade ng Maynila at si Servo na tumatakbo rin bilang vice mayor.

Umaasa si Moreno na ang mga Filipino sa labas ng Maynila ay ganun din ang gagawin at bibigyan siya ng pagkakataon na ipakita kung paano iboto ang isang  bata at hindi tradisyunal na lider.

“Kung na-appreciate ninyo ang lahat ng naganap sa Maynila, thank you. Kung gusto ninyong matupad ang pangarap nating madala sa mga kamag-anak n’yo sa probinsiya at buong bansa ang magagandang nangyari sa Maynila,  “iba naman,” sabi ni Moreno kasabay ng kanyang panawagan sa mga Manileño na kumbinsihin ang kanilang mga kamag-anak sa probinsya na iboto siya.

Ayon sa alkalde ang mga bagong   developments sa bagong school buildings ay upang makasunod sa pangangailangan ng makabagong panahon at bilang paghahanda rin sa dumadaming bilang ng mga mag-aaral.

Ang R. Magsaysay High School ang ikaapat na ganitong uri ng proyekto sa lungsod. Ang tatlong iba pa ay ang  Almario Elementary School,  Manila Science High School at Albert Elementary School.

Ang bagong Magsaysay High School building na nasa  9,045 metro kwadradong lote ay may  3,474 metro kuwadradong floor area at nagtataglay ng 232 classrooms; 18 offices at faculty rooms: canteen; library;  administration building;  auditorium;  gymnasium; play area;  outdoor sports area;  roof deck; eight elevator units;  hallway at elevator lobby at parking spaces. 

Mary Ann Santiago