Iniulat ng Department of Health (DOH) na halos 264,000 na paslit na kabilang sa 5-11 age group ang nakatanggap na ng unang dose ng kanilang COVID-19 vaccine.

Nilinaw ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang public briefing nitong Huwebes, wala rin silang na-monitor na anumang serious adverse effect ng bakuna sa may 263,932 na batang naturukan na nito.

Ayon kay Cabotaje, na siya ring head ng National Vaccination Operations Center (NVOC), nasa 55,000 doses ng bakuna ang nagagamit araw-araw sa naturang age group, simula nang palawakin pa ang pagbabakuna noong Lunes.

Sa kanilang assessment aniya, maganda at masigla naman ang kasalukuyang turnout ng bakunahan ng mga batang 5-11 years old.

“As of February 16, 2022, nakapagtala na tayo ng 263,932 five to 11 years old na nabakunahan sa buong bansa ng kanilang unang dose ng Pfizer vaccine. Wala pong serious na adverse side effect,” ani Cabotaje.

Sinabi niya na mayroon lamang walong paslit ang nakitaan ng “non-serious adverse effects.”

Kabilang aniya dito ang pagkakaroon ng rashes, apat na kaso ng pananakit ng lalamunan, pananakit ng injection site, lagnat at pagsusuka.

Tiniyak ni Cabotaje na ang mga bata ay inoobserbahan muna ng mga doktor sa vaccination area bago sila pauwiin upang kaagad na matugunan sakaling makitaan sila ng anumang side effect ng bakuna.

Aniya, ang mga magulang ay binibigyan nila ng listahan ng mga health workers o facilities na maaari nilang makontak, sakaling makitaan ng side effect ang mga bata kung sila ay nasa bahay na at nakaalis na ng vaccination site.

Ang mga naturang nabakunahang bata ay nakatakdang tumanggap ng second dose ng kanilang bakuna matapos ang 21 araw o tatlong linggo, ayon pa kay Cabotaje.

Mary Ann Santiago