Matapos ang ilang araw na pananahimik simula nang maglabas ng demand letter ang abogadong si Atty. Rafael Calinisan laban kay showbiz columnist Cristy Fermin, nagsunod-sunod ang mga tweets ni dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate at miyembro ng GirlTrends na si Dawn Chang.
Bukod sa mga cryptic tweets, nagpahayag din ng pasasalamat si Dawn sa mga netizen na nakikisimpatya at nasa panig niya; gayundin, game at diretsahan din niyang sinasagot ang mga tanong ng mga netizen.
Bago ang pagsagot sa mga tanong, nag-tweet siya ng larawan sa ginanap na kampanya ni VP Leni Robredo sa Quezon City Memorial Circle noong Pebrero 13.
At nitong Pebrero 16 ay nagsimula na siyang mag-tweet ulit. Nagpasalamat siya sa mga taong nagpadala ng pribadong mensahe sa kaniya upang magpahayag ng pagsuporta sa 'laban' niya ngayon.
"Thank you to everyone who sent me messages. It was unexpected. Nakakataba ng puso. Maraming salamat po," aniya.
Sinagot naman niya ang netizen na nagtanong sa kaniya na "Totoo po ba ang parating ni Permin (Cristy Fermin) na pumatol ka po sa boss ng ABS-CBN para mag-artista?"
Tugon naman ni Dawn, "Naghihintay din ako ng pruweba. Ang tagal. Hahaha."
Isang netizen naman ang nagbigay ng reaksyon: "Thank you for standing up to that marites who would rather ruin someone's reputation."
Saad naman niya, "Mahirap po kumita ng pera. Pagpasensyahan na natin."
Sa isa pang tweet, sinabi ni Dawn na hindi siya nagbura ng mga post niya sa Facebook. Na-hack umano ang kaniyang account.
"I didn’t. My Facebook was hacked and cannot be found. We are working on it."
Samantala, may parinig din siya hinggil sa pahayag na walang karapatan ang isang baguhang artistang gaya niya na maglabas ng kaniyang saloobin o isagawa ang kaniyang karapatang magpahayag. Tinawag niya itong 'toxic Filipino mentality'.
"Pag ikaw ay isang “baguhang” artista, wala kang karapatan. Pag hindi ka sikat, wala kang karapatan. - Toxic Filipino mentality."
Sinoplak din niya ang isang netizen na bumutata sa kaniya.
"Kung gusto mo magka-career wag kang makisawsaw sa politika. Unless gusto mo mapansin at bayaran ang endorsement mo. Kaso sikat ka ba? May fan base ka na ba?"
"Kung basehan ang kasikatan upang magkaroon ng karapatan magsalita at ipaglaban ang tama, pwes, tumahimik ka," pambabasag ni Dawn.
Samantala, inaabangan na rin ng mga netizen kung ano na ang magiging susunod na hakbang ng kani-kanilang mga kampo ni Cristy Fermin, lalo't tapos na ang deadline na ibinigay nila sa isa't isa (hanggang bago mag-hatinggabi ng Pebrero 16) para sa public apology.