ZAMBOANGA CITY - Anim na pasahero, kabilang ang tatlong menor de edad, ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang bahagi ng Little Coco Island sa Basilan nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ng PCG, nagpapatrulya ang isa sa kanilang sasakyang-pandagat na BRP Malamawi sa bisinidad ng Sibago Island sa Basilan nang mamataan ang isang motorized-banca na namatay ang makina.
Kaagad na nilapitan ang bangka at sinagip ang anim na sakay nito, kabilang ang tatlong bata.
Patungo sana ang bangka sa Sacol Island sa Zamboanga City mula sa Basilannangbiglang pumalya ang makina nito, ayon sa PCG.
Dalawang oras din umanong nagpalutang-lutang ang bangka bago sila nailigtas ng PCG.
Hinila ng mga ito ang bangka patungong daungan ng Zamboanga City habang dinala muna sa PCG Southwestern Mindanao ang anim na pasahero upang mabigyan ng tulong.
Liza Abubakar- Jocson