Sa gitna ng “Operation Baklas” ng Commission on Elections (Comelec) na layong tanggalin ang campaign materials kahit sa mga private properties, nanawagan ang kampo ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo na tiyakin ang “Constitutional right to freedom of speech” ng mamamayan.
Sinimulan ng poll body na tanggalin ang mga campaign materials mula sa mga pampubliko at pribadong lugar, na binanggit na mayroon lamang mga itinalagang lugar para sa paglalagay ng mga poster at tarpaulin.
Ngunit tinutulan ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez ang operasyon matapos tanggalin ang mga tarpaulin sa Leni-Kiko Volunteer Center sa Quezon City.
“Posters put up by private persons on private property are protected by the Constitutional right to freedom of speech,” ani Gutierrez.
“Even Comelec Resolution 10730 limits any removals only to materials produced by candidates or parties. This right of private citizens must be respected,” dagdag ni Gutierrez.
Binanggit niya ang resolusyon noong Nobyembre 2021 na nagbabawal sa mga kandidato na mag-post ng mga campaign materials sa labas ng mga awtorisadong common poster areas at sa mga pampublikong espasyo tulad ng mga billboard na pag-aari ng publiko, mga sasakyang de-motor na pag-aari ng gobyerno, waiting shed, paaralan, barangay hall, opisina ng gobyerno, at mga terminal ng pampublikong sasakyan.
Nauna rito, ilang tagasuporta ni Robredo ang sumulat ng demand letter laban sa Comelec dahil sa pagtanggal ng mga poster at tarpaulin sa hindi bababa sa anim na properties nang walang abiso.
May bias din umano sa pagtanggal ng mga poster at tarpualin dahil hindi kasing dami ang tinanggal ng Comelec sa karibal ng Bise-Presidente, ayon sa mga volunteers.
Ipinagtanggol ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez ang mga aksyon ng poll body, at sinabing nasa kapangyarihan nito na tanggalin ang mga poster. Maaari rin aniyang iulat sa komisyon ang mga alegasyon ng bias.
Sinimulan ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Pebrero 15, na tanggalin ang mga campaign paraphernalia sa Maynila na naka-post sa mga hindi itinalagang lugar.
Raymund Antonio