Mainit na tinanggap ng pamilya ni Marjorie Barretto ang mga Robredo sa kanilang tahanan sa kamakailang Youtube episode ng actress-politician. Makikitang present din sa gathering si Julia Barretto na hindi nababahala sa online bashing kasunod ng hayagang pagsuporta ng pamilya sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo.
Isang lunch gathering ang dinaluhan kamakailan ni Robredo at kanyang mga anak na si Tricia, Aika at Jill sa tahanan ni Marjorie.
Kilala sa kanyang mga kitchen tips at recipes si Marjorie kaya’t tampok sa Youtube episode ang pagluluto ng bise-presidente ng chicken casserole na best option para sa mga busy moms kagaya ni Robredo.
Katuwang ni Robredo sa pagluluto ang mag-inang si Marjorie at Julia na sinabayan ng kwentuhan kaugnay ng parenting at ilang mga pahapyaw na plano ni Robredo sa ilang isyu na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Naibahagi rin ni Robredo na sa katunayan ay avid follower siya ng mga YouTube content ng buong Barretto family.
Sunod na nagsalo sa isang lunch ang dalawang pamilya na nagpatuloy pa rin sa kwentuhan.
Samantala, makikita sa dulong bahagi ng episode ang paglapit ni Julia sa kinauupuan ng mommy nitong si Marjorie at Robredo. Dito ibinahagi ni Marjorie sa anak na hindi inaasahan ni Robredo na present ito sa gathering dahil sa maaring matanggap na online bashing ng aktres.
“Kasi people of your stature, you get bashed…” sabi ni Robredo.
Hindi na bago sa ilang showbiz personalities na mag-endorso o hayagang sumuporta sa mga kandidato. Kabilang sa mga kapalit nito ang kadalasa'y malalang kritisismo online lalo pa’t polarizing kung ilarawan ang kabuuang politika sa bansa.
“It’s okay, I’ve been through the worst bashing. Nothing will top that,” nakangiti namang tugon ni Julia na tinawanan pareho ni Marjorie at Robredo.
Payo naman ni Robredo sa aktres na “as long as you do the right thing,” hindi dapat ito magpapaapekto sa mga bashers online.
Sa naturang YouTube episode, na-meet via Zoom ng buong pamilya ni Marjorie si Robredo kung saan nagpasalamat naman ang presidential aspirant sa suporta nito sa kanyang kandidatura.
Mula nang i-upload noong Pebrero 13, tumabo na ng higit 367,000 views ang YouTube episode. Kasalukuyan din itong #14 trending content sa YouTube Philippines.