Ipinagtanggol ni Senador Imee Marcos ang kanyang sarili mula sa mga akusasyon na kinukutya niya ang kalagayan ng mga nagtatrabaho nang matagal sa kamakailang Facebook video na aniya’y isang “satire” lang.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na “nowhere in the skit does anyone mock the heroic sacrifice of pandemic frontliners.” Ngunit sa halip ay sinabi niyang, “we poked fun at those who trivialize inhumane working conditions.”

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang isang video na pinamagatang "Pagod Len-len" na ipinost sa kanyang Facebook account noong Biyernes kung saan kinuwestiyon niya at ng dalawa pang kapwa artista ang posibilidad na magtrabaho ng 18 oras sa isang araw.

Sa gitna ng mga kritisismo at paratang na kinukutya niya ang mga talagang nagtatrabaho sa halos lahat ng kanilang araw, sinabi ni Marcos na "ang video ay isang satire lang, na nagsusulong, bukod sa iba pang mga bagay, ng patas at protektadong mga regulasyon sa bawat workplace.”

“My legislative record will attest to my long-standing advocacy not only for our health care workers and other frontliners, but also those in the informal sector, our seniors, PWD’s, women, working youth and farm laborers,” dagdag ni Marcos.

Nilinaw din ni Marcos na hindi rin sa kanya ang pahayag sa kanyang video caption kung saan mababasa ang “anyone who claims to work 18 hours a day is either lying or stupid.”

Sinabi niya na ang quote ay kinuha mula sa isang artikulo na tumatalakay tungkol sa pinalawig ngunit hindi produktibong trabaho.

Noong weekend, ilang social media users ang sumita kay Marcos matapos hindi matuwa sa kanyang dialogue.

Para kay Faye Rab, isang Facebook user na nagkomento sa kanyang video, ang mga sinabi ni Marcos ay "unbelievable." Sinabi niya na, “disgusting for a senator to mock public servants who actually do their jobs, and for mocking Filipinos who work hard.”

Joseph Pedrajas