Nangako si Senador Sherwin Gatchalian nitong Martes, Pebrero 15, na isusulong niya ang mga hakbang na naglalayong bigyan ng mas mataas na suweldo ang mga guro upang higit na mapalakas ang kanilang moral.

“Isa sa ating mga adbokasiya ay pataasin ang moral ng ating mga guro at hikayatin ang mga estudyante natin na kumuha ng kurso sa pagtuturo,” ani Gatchalian na naghahangad ng panibagong termino sa Senado sa darating na botohan sa Mayo.

“Isang paraan dyan ay taasan po yung sweldo,” sabi ng chairman of the Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa isang forum na pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na pinamagatang “Ang Senador at ang Edukasyon,” ibinahagi ng senador ang kanyang panukala kung paano taasan ang suweldo ng mga guro, lalo na sa entry level.

Sinabi ni Gatchalian na imumungkahi niyang itaas ang salary grade ng Teacher I mula Salary Grade 11 tungo sa Salary Grade 13 o 14.

Sa kasalukuyan, ang suweldo ng isang Teacher I position o Salary Grade 11 ay nasa P25,439 sa ilalim ng ikatlong tranche ng Salary Standardization Law V. Ngunit kung ang salary grade ng Teacher I ay itataas sa Salary Grade 13 sa ilalim ng kasalukuyang tranche, ang simula ang suweldo ay katumbas ng P29,798.

Batay sa mga pagtatantya ng tanggapan ni Gatchalian, mangangailangan ito ng karagdagang P58.6-bilyon bukod pa sa P379.6-bilyong taunang kompensasyon ng mga Guro I, II, at III.

Ikinalungkot niya na ang entry-level pay para sa mga gurong Filipino ay mas mababa kumpara sa ibang bansang ASEAN tulad ng Indonesia (P66,099), Singapore (P60,419), Malaysia (P44,496), Thailand (P37,152), at Vietnam.

“Ang guro po ang pinakamahalagang sangkap pagdating sa sektor ng edukasyon dahil direkta silang nagbibigay ng kaalaman sa ating mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian.

“Importante na nasusuportahan natin ang kanilang mga pangangailangan at napapangalagaan ang kanilang kapakanan,” pagpupunto ni Gatchalian.

Hannah Torregoza