Mukhang patok at naka-relate ang mga netizen sa inilabas na parody video ng komedyanteng si Chad Kinis tungkol sa mga taong mahilig mangutang o nakakaalala lamang kapag may kailangan sila.

"Nabiktima ka na ba ng 'P're kumusta?' Yung akala mo, naalala ka lang nila? Yung iba nga sasabihin pa sa 'yo, 'Oy bro, tol, sis, mars', biglang 'Baka naman… Mmmmmm…. Nako, nako, nako, nako, nako, nako… Don’t me. Alam ko na ang modus na ’yan. Malamang, meron lang ’yan silang kailangan," banat ng komedyante.

Screengrab mula sa FB/Chad Kinis

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

"Ilang buwang ’di nagpaparamdam tapos biglang mangungutang? Kesyo kailangang-kailangan at ang daming dahilan. Ito naman ako, dahil kaibigan ko, dalang-dala ako sa sobrang awa. Awang-awa ako.

"Siyempre, matagal ko nang kilala, eh. Sobrang close nga kami. Pati ang bra’t panty n’ya ako na ang naglalaba. Naging sunud-sunuran pa nga ako na parang aso,” dagdag ng komedyante na mula rin sa rap song na 'Stupid Love' ng Salbakuta.

"Humihiram daw para pang-aral tapos malalaman ko pinangkain lang ng samgyupsal. Nag-post pa. Tapos sabi, ‘#Blessed.’ Wow! Ang bilis naman n’yang nakalimot."

“Tapos noong nagkita kami, binati ako na parang Koreano. Sabi n’ya, ‘Annyeonghaseyo.’ ‘Annyeong akin? Annyeong akin? ’Yong utang mo!’ Tapos biglang umalis. Annyeong-inamo!"

“Ang daming nagsisinungaling para lang makautang. ’Yung iba nagpapaawa, kailangan daw ng pampa-check up. Pero noong nakuha ’yong pera, aba! Nag-check-in kasama ang dyowa."

“Yung iba wala na daw maisaing. Tapos malalaman mo biglang nag-outing. Doon pala magsasaing sabay kain sa dahon ng saging."

"Yung iba lalapit sa ’yo, iyak nang iyak kasi ’tong negosyo daw nila bagsak na bagsak. Eh, pa’nong hindi babagsak, eh, talpak ka nang talpak. Tapos lalapit ka sa akin para mangutang nang pamusta? Hinayupak!” ang masama pang loob ng komedyante.

Ang nakakatuwa raw sa kanila, kapag sila na ang siningil, minsan ay sila pa ang galit at umaastang pa-victim.

“Ang daming malalakas ang loob mangutang pero ’yong responsibilidad na magbayad kinakalimutan. Tapos kapag panahon ng singilan, aba! Sila pa itong galit-galitan?”

“Tapos magpo-post ka sa social media ng mga luho? Baka gusto mo muna ako i-block kasi nakikita ko! Nakakahiya naman sa ’yo."

Kaya naman sa huli, may paalala si Chad.

“Kaya sa darating na bayaran ’wag naman kayong magtaguan. ’Wag kayong mawawala sa panahon ng singilan na para bang ipis sa basurahan, kapag inangat mo, nagtatakbuhan!”

“Payo lang sa mga nangungutang, huwag humiram nang hindi kayang bayaran. ’Wag sobrang gastos kung walang pang-tustos. At ’wag na ’wag uutang kung hindi dadalhin sa kapaki-pakinabang."

“Huwag din magsinungaling para lang kaawaan. Baka pagdating ng totoong kahirapan hindi na namin kayo matulungan."

“At mahalangang paalala para sa mga nangungutang. Inyo rin naman kaming bayaran. Kasi ying aming pinahiram na pera amin ding pinaghirapan," paalala ng miyembro ng Beks Battalion.

Sa ngayon ay umabot na ng 1.2M views ang naturang parody video na makikita sa mismong Facebook post ni Chad. Naranasan mo na rin ba ito? Relate much ba?