Sina Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang top presidential at vice presidential candidate para sa May 2022 elections, ayon sa Manila Bulletin-Tangere survey na isinagawa simula noong alas-6 ng gabi ng Pebrero 10 hanggang alas-12 ng tanghali ng Pebrero 11.

Nanguna si Marcos bilang presidential bet na may 51.83 porsyento ng voter preference. 

Pumangalawa si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na may 23.5 porsyento at pangatlo naman si Vice President Leni Robredo na may 14.71 porsyento.

Pang-apat at pang-lima sina Senador Panfilo "Ping" Lacson na 5.38 porsyento at Senador Manny Pacquiao na 3.17 porsyento.

Ang iba pang presidential candidates ay nakakuha ng mas mababa sa isang porsyento ng voter preference.

Nakakuha ng 0.38% si Labor rights activist Leody de Guzman habang 0.04% sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at dating presidential spokesman Ernesto Abella.

Samantala, 0.96 porsyento ng respondents ang hindi pinangalanan ang kanilang kandidato.

Para sa pagka-bise presidente, nanguna sa survey si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may 53.63 porsyento.

Pangalawa si Senate President Vicente "Tito" Sotto III na may 19.5 porsyento habang pangatlo naman si Dr. Willie Ong na 15.42 porsyento.

Sa pang-apat na puwesto ay si Senador Francis Pangilinan na 7.96 na porsyento, habang nasa ikalimang puwesto naman si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na may 1.25 na porsyento.

Ang iba pang vice presidential candidate ay sina Sulong Katutubo International Foundation Inc. founder Princess Sunshine Amirah Magdangal (0.21%), at Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP) candidate Bienvenido Lorque (0.13%)

Hindi nagbigay ng sagot ang 1.92 porsyento ng mga respondents.

Second-choice na presidente at bise presidente

Samantala, sa parehong survey, hiningi sa mga respondent na pangalanan ang kanilang second-choice na kandidato kung ang kanilang unang napiling kandidato ay hindi tatakbo sa halalan 2022.

Sa pagka-presidente, nanguna si Domagoso na may 43.17 porsyento ng voter preference. 

Pangalawa naman si Marcos na 16.33 porsyento habang pangatlo si Lacson na 11.58 porsyento.

Para sa ikaapat at pang-limang puwesto ay sina Pacquiao at Robredo na 8.33 porsyento at 6.54 na porsyento, ayon sa pagkasunod-sunod.

Nakakuha naman ng 2.17 porsyento si Butch Valdez, 0.5 porsyento si Gonzales, habang 0.25 porsyento si De Guzman. 

Samantala, 11.13 porsyento ng mga respondent ang hindi nagbigay ng sagot.

Sa pagka-bise presidente naman, hindi bababa sa 30 porsyento ang pumili kay Sotto bilang kanilang second-choice na bise presidente sakaling hindi tatakbo ang kanilang first choice sa darating na halalan.

Pangalawa si Ong na may 27.67 porsyento, sinundan naman ni Duterte sa pangatlong puwesto na 18.58 porsyento. 

Para sa ikaapat at pang-limang puwesto ay sina Pangilinan at Atienza na may 6.54 na porsyento at 5.08 porsyento ng voter preference, ayon sa pagkasunod-sunod.

Si Magdangal ay nakakuha ng 0.79 na porsyento habang 0.25 porsyento si Lorque. 

Samantala, 10.71 na porsyento ng mga respondents ang hindi nagbigay ng sagot.

Ang Manila Bulletin-Tangere survey ay isinagawa sa pamamagitan ng mobile application at mayroong 2,400 na respondents.