Sabi nga, maituturing na biyaya mula sa Poong Maykapal kung pinalad kang makatagpo ang 'The One' para sa iyo, sa dinami-dami ng mga tao sa mundong ito, na para bang paghahanap ng karayom sa bunton ng dayami. May ilang maraming nahanap ngunit umalis din at hindi nanatili, subalit may ilan din namang kung sino ang unang nasumpungan, hanggang dulo, sila na pala ang nakatadhanang makatuluyan.

Tanong ng marami, posible bang makatuluyan, mapangasawa at makasama habambuhay ang una at huling boyfriend o girlfriend?

Para kay Ana Camille L. Arroyo, isang guro at kakakasal lamang noong 2021, posible ito dahil nangyari ito sa kaniya. Ang mister niya ngayong si Erdion Arroyo ay ang una at huling naging boyfriend niya, na ngayon ay asawa na.

Paano nga ba nagsimula ang kanilang love story?

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

"Nagkakilala kami sa tulong ng isang kaibigan. Nagkasalubong kami sa SM Manila tapos binigay ng common friend namin yung number ko sa kaniya kaya naging textmates kami, tapos eventually nagkagustuhan na haha."

"Dahil parehas kaming nag-aaral sa Maynila, saksi ang SM Manila, Intramuros, Luneta, at gate ng PNU kung paano umusbong at yumabong ang relasyon namin. Isa sa mga di namin malilimutang parte ng relasyon namin ay yung byahe namin pauwi galing pamantasan kasi bittersweet lagi. 'Yun kasi yung time na nakakapag-usap kami to share what happened within the day kaya lang nauuna ako laging bumaba sa bus," pagbabahagi ni Camille sa eksklusibong panayam ng Balita Online.

Erdion at Camille Arroyo (Larawan mula kay Camille Arroyo)

Bagama't palihim ang naging relasyon nila dahil nagsisipag-aral pa nga, matapos ang kanilang graduation ay ipinaalam na rin nila sa kani-kanilang mga magulang ang kanilang pagmamahalan.

"Patago pa ang relasyon namin noong una kasi nag-aaral pa ako, bawal pa sa side ko. Pero after graduation, ipinakilala ko na siya sa amin at tinanggap naman siya agad kasi matino siyang tao."

Dahil bagong graduate pa lamang, minabuti ng magkasintahan na huwag munang magmadali sa pagpapakasal. Minarapat muna nilang i-enjoy ang pagiging propesyunal at namagyapag sa kani-kanilang mga piniling larang o propesyon. Ngunit syempre, hindi rin naman mawawala ang ilang tampuhan at hindi pagkakaunawaan subalit ito ay kanilang napagtagumpayan.

"After graduation, we tried to establish our own names in our respective fields. We support each other in every decision that we make. In our 6th year, naghiwalay kami kasi di na kaya ng schedule niya. Nag-aaral siya sa law school noon. We did not have any relationship with other people kaya we worked things out and we got back together."

No description available.
Erdion at Camille Arroyo (Larawan mula kay Camille Arroyo)

Aminado rin si Camille na dahil sa haba ng panahong magkasama sila, minsan ay may 'sawa factor' din. Totoo na minsan ay nawawala na ang kilig, pero ang hindi dapat mawala ay ang pagmamahal at pagpapahalaga sa taong piniling makasama. May mga bagay rin silang hindi pa nila napagkakasunduan.

"Siguro dahil sa sobrang tagal naming magkarelasyon may mga times na nawawala yung kilig saka may mga bagay pa rin na di kami pinagkakasunduan," tapat na pag-amin niya.

Naniniwala si Camille na ang isang tao o bagay na nakatadhana sa iyo, mawala man saglit, kung talagang para sa iyo ay babalik din sa iyo. Simula nang dumaan sa pagsubok ang kanilang relasyon, naghiwalay, at muling nagkabalikan, mas naging smooth-sailing na ang lahat.

"I am a firm believer that if things are destined to be yours no matter what happens it will end up with you. Tapos from there smooth na ulit yung relasyon namin. In our 11th year of being together we sealed the deal of our journey of a lifetime," aniya. Sa ngayon ay 12 taon nang nagsasama sina Camille at Erdion, kung pagsasamahin ang mga panahon nila bilang mag-jowa at mag-asawa. Sinusulit pa nila ang kanilang yugto bilang mag-asawa upang ihanda ang kani-kanilang mga sarili sa susunod na yugto---ang pagiging momshie at papshie.

May mensahe naman siya sa love birds na kagaya niya ay 'first and last' ito:

"Swerte tayo kasi nakita agad natin yung taong nakalaan para sa atin. Di lang kasambuhay ang nakita natin, best friend na rin. May times talaga na sa sobrang pamilyar sa isa't isa parang nawawala yung kilig kaya sa panahong 'yan dapat mangibabaw yung pagiging mag-bestfriend at respeto sa isa't isa."

"Treat everyday as a new opportunity to get to know each other in a different light. And most importantly, pray together and pray for each other."

No description available.
Erdion at Camille Arroyo (Larawan mula kay Camille Arroyo)

Ganito rin ang kuwento ni Janina A. Cuenca mula sa Caloocan City, kung saan nakilala niya ang mister niyang si Owen sa pamamagitan ng blind date. Aniya, nagsimula muna sila bilang magkaibigan bago nagka-ibigan.

"It was November 2010 noong nag-meet kami thru blind date sa pamamagitan ng childhood friend niya at college best friend ko. Naging friends kami for two months before kami nag-decide na mag date. Nasa college ako noong mga panahon na 'yun. Parehas kami introvert so we spend our time attending to concerts (nauso mga banda banda noon), saka going to museums."

No description available.
Owen at Janina Cuenca (Larawan mula kay Janina Cuenca)

"Minsan nanonood lang ng sine sa bahay or nagbabasa ng books. Haha Fast forward, 11 years na kami sa relationship namin as mag-jowa and 6 years married with one cutie pie na Puring haha," aniya.

Sa buong panahon umano ng kanilang pagsasama, ang tanging naging pagsubok na kanilang hinarap ay ang long distance relationship o LDR dahil isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang kaniyang mister. Mabuti na lamang daw at naimbento ang internet, makabagong gadgets, at mga social media platforms kung saan nagagawa na ang video conferencing kahit saan at kahit kailan, basta't pareho silang available. Sumabay pa ang pandemya na balakid sa pag-uwi nito sa Pilipinas.

"Wag susuko at magtiwala sa isa't isa. Hindi nabubuhay ang relationship sa love lang, dapat nagbibigayan kayo," mensahe ni Janina sa iba pang couple na kagaya niya ay nahanap na rin ang one and only niya.

No description available.
Owen at Janina Cuenca (Larawan mula kay Janina Cuenca)

Kaya kung single ka ngayon, malay mo, bukas o makalawa, mahanap mo na rin ang 'The One' para sa iyo sa hindi inaasahang lugar, oras, at pagkakataon!