Pinalawak pa ng pambansang pamahalaan ang pagbabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa mga batang may edad na lima hanggang 11 taong gulang matapos ilunsad ito sa buong bansa nitong Lunes, Peb. 14.

Pinangunahan ng mga pangunahing opisyal ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Inter-Agency Task Force (IATF) ang buong bansa na paglunsad ng “Resbakuna Kids” sa Solaire Theater sa Paranaque City.

“Isa pong paraan para ipakita ang ating pagmamahal sa isa’t isa ay ang pagbabakuna. Kaya naman natutuwa kami na ngayong araw ay madaragdagan na ang mga batang mabibigyan ng proteksyon laban sa COVID-19,’ ani vaccine czar Carlito Galvez.

Sa soft roll-out ng pediatric vaccination para sa batang populasyon noong Pebrero 7, 63 sites lamang ang na-activate ng NTF sa Metro Manila at sa mga piling lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngunit sa nationwide rollout, may kabuuang 482 vaccination sites ang binuksan, kabilang ang 84 sites sa Metro Manila.

“Last week, more or less 63 vaccination sites ang in-open natin but ngayon ‘yong lahat ng region ay magbubukas po tayo,” ani Galvez.

Idinagdag ng vaccine czar na nasa 91,000 bata na may edad lima hanggang 11 ang nabakunahan na sa ngayon. Layunin ng gobyerno na mabakunahan ang humigit-kumulang 15 milyong bata sa nasabing age bracket. Mayroon ding siyam na milyong mga bata at kabataan na may edad 12 hanggang 17 na na-inoculate sa buong bansa.

Pagkatapos ay tiniyak niya na may sapat na mga bakuna para sa pagbabakuna sa mga bata dahil humigit-kumulang anim na milyong dosis ang darating para sa buwan ng Pebrero.

Pagtatapos ng pandemya

Samantala, sinabi ni Galvez na kapareho niya ang damdamin ng karamihan sa mga Pilipino na umaasang matatapos na ang krisis sa COVID-19 ngayong taon. Ayon sa kamakailang survey ng Social Weather Stations (SWS), humigit-kumulang 51 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala na matatapos ang krisis sa COVID-19 sa 2022.

Iniugnay ni Galvez ang napakalaking positibong tugon ng mga tao sa "mataas" na rate ng pagbabakuna sa bansa.

“Iyon ang isa sa pinakamagandang dahilan, sa taas ng vaccination natin particularly sa different cities na more or less nag-100 percent tayo,” pagbabahagi ni Galvez.

“Iyong vaccination program natin ay malaki ang naitutulong sa pagbagsak ng ating cases,” dagdag nito.

Sa Paranaque City lamang, sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na apat sa 16 na barangay ang nakapagtala na ng zero active cases. Aniya, na- inoculate na ng pamahalaang lungsod ang 140 porsiyento ng kanilang target na populasyong nasa hustong gulang habang nasa 60,000 bata na may edad lima hanggang 11 ang nabakunahan na.

Binanggit din ni Galvez ang patuloy na pagsunod ng publiko sa minimum public health standards, at ang tulong ng local government units at pribadong sektor sa vaccination program bilang isa sa mga dahilan kung bakit bumaba ang mga kaso.

Sa mga sumunod na araw, sinabi ni Galvez na bibisitahin niya ang pediatric inoculation sites sa Zamboanga City at Basilan dahil nahuhuli pa rin ang vaccination program sa Mindanao kumpara sa Visayas at Luzon.

Martin Sadongdong