Nagpahayag ng suporta si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida V. Rueda Acosta nitong Lunes, Pebrero 14, kay Davao City-based Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at pastor Apollo C. Quiboloy.

“Ang mga kagaya ninyo ay kailangan sinusuportahan ng ating mga kababayan sapagkat nakakatulong po ng higit para gumaan ang spiritwal na kalooban at marating ang spirituality ng sangkatauhan,” ani Acosta sa isang online prayer meeting kasama si Quiboloy.

“Ang wish namin po sa inyo ay patuloy na proteksyunan po kayo ng Diyos Ama sa langit at kung sino man ang naghahangad na guluhin ang kongregasyon, ang Kingdom of Jesus Christ, sana po huwag sila magwagi at matakot sila sa Diyos.”

“Ang lahat ng kasamaan na ipinupukol po sa ministring ito at sa akin ay haharapin po namin yan taas noo sapagkat kung walang katotohanan ang isang bagay ay hindi dapat tayo matakot,” tugon naman ni Quiboloy.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“The Father will vindicate my name and the truth will come out. Yun po ang hindi pwedeng itago sapagkat ang katotohanan ay mananaig.”

Si Quiboloy ay kinasuhan sa United States District Court in Santa Ana, California para sa di-umano'y conspiracy sa pakikisangkot sa sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pamimilit at sex trafficking ng mga bata; puwershang sex trafficking, pandaraya at pamimilit; pagsasabwatan; at bulk cash smuggling.

Ang US Federal Bureau of Investigation (FBI) ay naglabas ng mga "wanted" na poster ni Quibuloy matapos na maglabas ng arrest order laban sa kanya noong Nob. 10, 2021.

Ang gobyerno ng Pilipinas ay walang natanggap na anumang kahilingan mula sa gobyerno ng US sa extradition ni Quiboloy. Nasa Davao City umano ang pastor.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo I. Guevarra na kapag humiling ng extradition at inendorso ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas, kikilos kaagad ang Department of Justice (DOJ) sa kahilingan.

Maging ang mga abogado ni Quiboloy ay nagsabing susundin ng pastor ang anumang desisyon na ibibigay ng korte sa Pilipinas sakaling humingi ng extradition.

“Hindi na po kami stranger sa nangyayaring yan na mga iniiskandalo dahil ang ministry ito at napakarami po kaming pinagdaanan.

“Imbes na ito ay bumagsak ay lalong lumalago sapagkat alam po namin na sa katapustapusan ang katotohanan ang siyang lilitaw.”

Jeffrey Damicog